Pogi grinipuhan ng 3 pangit

Pogi grinipuhan ng 3 pangit

July 5, 2018 @ 5:30 PM 5 years ago


Isabela – Huling iniulat na nasa kritikal ang isang lalaki makaraan umanong kainggitan at saksakin ng tatlong lalaking nakasakay sa motorsiklo, iniulat kahapon sa Santiago City, Isabela. Kinilala ang biktima na si Leonard Bosania, 21, binata, residente ng Purok Dos, Rizal, Santiago City.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente sa Provincial Road sa Sitio Kirat Road, Purok Uno, Brgy. Rizal.

Nabatid na naglalakad ang biktima pauwi, kasama ang kapatid at pinsan nang harangin sila ng isang motorsiklo, sakay ang tatlong suspek.

Biglang lumapit ang tatlong suspek at pinagsasaksak ang biktima sa katawan. Matapos ang insidente, mabilis na pinaharurot ng mga suspek ang kanilang motorsiklo patakas at iniwang nakahandusay si Bosania.

Hindi naman sinaktan ng mga suspek ang kanyang kapatid at pinsan. Ayon sa pulisya, sadyang ang biktima lang ang target ng mga suspek na pinaniniwalaang nainggit sa kanyang kapogian.

Marami umano kasing nahuhumaling na babae sa binata kaya siya kinaiinisan ng ibang lalaki.

“Natakot po kami kasi ang papangit ng mga suspek. Pero hindi naman po kami sinaktan,” ang sabi ng pinsan ng biktima.

Patuloy ang follow-up operation ang pulisya para sa ikadarakip ng mga pangit na salarin. (Nats Taboy)