POGO GAWA NG MGA PUGA

POGO GAWA NG MGA PUGA

September 24, 2022 @ 6:14 PM 2 months ago


NGAYON na lamang lumalabas ang masasamang bunga nang pagpayag natin sa pag-ooperate ng mga POGO o’ Philippine Offshore Gaming Operators. Kung di pa nakaaalarma ang mga viral video ng babaeng dinukot sa gitna ng Skyway at ng lalaking tinapyasan ng taenga ng mga bumihag sa kanya, ay di natin makikita ang masamang dulot ng POGO.
Saan ba galing ito? Noong 2018 sa kasagsagan ng operasyon nito, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation, kumita ito ng P6 bilyon. At nagpasok ng malaking buwis at kontribusyon sa kaban ng bayan.
Mga Tsino ang mga nasa likod nito na may kontak sa mga Filipino-Chinese dito, na siya namang lumakad sa mga ligalidad ng operasyon nito sa bansa. Sugal ito sa madaling salita. Dahil mahigpit nga ang bansang China sa mga ganitong operasyon, inilabas ng mga “Henyong Tsekwa” ang pasugal, gamit ang makabagong teknolohiya at inilipat sa mga karatig na bansa sa Asya.
Ayon pa rin sa Pagcor bumaba nang bumaba ang kita ng POGO mula P6-B ng 2018 sa P5-B ng 2019, P4-B sa 2020, hanggang maging P2-B ng 2021, at P1-B na lang ngayong 2022.
Bakit nagkaganun?  Ano ang dahilan? Na-trace o nakapa na kasi ng Chinese government ang style ng pasugal at iniisa-isa nang kinikilala ang mga nasa likuran nito, habang pini-freeze naman ang mga pondong ibinabalik na kita sa kanilang bansa ng mga nag-ooperate ng pasugal na nasa ibang bansa sa Asia kabilang na ang Pinas.
Sabihin na nating ligal ang pag-alis ng mga Chinese operator na ito sa Tsina, ngunit ang pagpasok nila rito ay kaduda-duda, kaya gumagastos ito ng malalaking halaga para lamang mapirmis dito sa atin. Siguro naman ay may ideya na kayo kung sino-sino ang mga kadikit at kakuntsaba ng mga ito sa mga sangay ng ating pamahalaan.
Ngayong may “crackdown” na sa kanilang mismong bayan at hinahunting na sila, ano ang kahihinatnan nila kapag naibalik sila sa China? Eh di pagkalulong. Sa kanilang iligal na pamamalagi naman dito, at di na gaanong kaayos na kalagayan ng operasyon sa kanilang pasugal, gutom na rin ang kanilang inaabot.
Kaya naman may mga nababalitaan tayong dukutan, kidnapan, at maging patayan sa kanilang mga kauri. Ang iba nga raw ay ‘di na naitatala ng pulisya.
Lumalaki na ang problema ika nga, kaya ang iba nating mambabatas at opisyal ng pamahalaan ay nananawagan na, na ipatigil na ang operasyon ng mga POGO. Dahil kung Intsik sa Intsik ang kidnapan pa lamang ngayon, di malayong may mga Pinoy nang susunod na mabibiktima ng dukutan para kumita ang mga operator ng POGO na nagsimula lamang bilang “PUGA” sa kanilang bansa.
Puga dahil takas naman talaga sa China ang mga operator na ito. Napilitang pumuga sa kanilang bansa, para lamang kumita kahit sa iligal na paraan.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!