POGO sa Pasig sinipa ni Vico

POGO sa Pasig sinipa ni Vico

December 28, 2022 @ 9:31 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Binigyan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga online gambling establishment sa lungsod ng isang taon upang isara ang kanilang mga operasyon batay sa bagong lagdang Ordinance 55 Series of 2022.

“Ordinance 55, s-22. Existing online gambling establishments in Pasig have 1 yr (2023) to wind up operations,” ani Sotto.

Dagdag pa ng alkalde na hindi bibigyan ng permit ang mga bagong online gambling establishments kabilang ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“While we have seen the social ills of these forms of gambling, nabalitaan niyo ba yung nanay na sinangla yung anak?, hindi lang yun. I take it as a personal insult kapag may mga ‘diumano’y nag-aalok ng suhol tuwing season renewal ng permit. Kung lehitimo ba’t kailangan ng lagay lagay,” aniya pa.

Nilagdaan ng konseho ng lungsod noong Disyembre 15, ang Ordinansa 55 Serye ng 2022 ay epektibo kaagad.

Hindi pinapayagan ng ordinansa ang mga operasyon, aplikasyon, at pag-apruba ng mga lisensya para magpatakbo ng mga online na laro ng pagkakataon sa lungsod, at nagtatakda ng isang taon para sa pagtigil ng mga operasyon ng mga nakalistang operating establishment.

Kasama sa mga larong ito ang mga online casino, e-games, online sabong, e-bingo outlet, online poker, computer gaming stations.

Sinasaklaw din ng ordinansa ang mga operasyon ng mga service provider na nagbibigay ng teknikal na suporta sa mga larong ito. RNT