‘Pokboy’ nagselos, tinaga ang textmate ng natitipuhan

‘Pokboy’ nagselos, tinaga ang textmate ng natitipuhan

August 6, 2018 @ 1:48 PM 4 years ago


 

Salug, Zamboanga del Norte – Matinding selos ang dahilan ng isang lasing na lalaki kung kayat nagawang patayin ang kapitbahay nito sa bayan ng Salug, Zamboanga del Norte araw ng Linggo.

Tinutugis sa follow up operation ng pulisya ang suspek sa krimen na si Hazzer Taradji alyas “Pokboy” nang pagtatagain nito ang 58-anyos na si Anastacio Galinio.

Napag-alaman sa imbestigasyon ni PO2 Dennis Bermaje ng Salug police, lango umano sa alak nang puntahan ng suspek ang bahay ng isang Mary Jane Banong sa Barangay Ramon Magsaysay dakong ala-una ng madaling araw kung saan naabutan nito ang biktima.

Pinapasok umano ng babae sa kanyang bahay ang suspek at maayos naman umanong nag-uusap ang dalawa hanggang sa magkasagutan ang mga ito dahil sa matagal na nilang alitan.

Agad umanong umalis at umuwi ng bahay si Taradji at pagbalik nito ay dala ang isang itak at dinaluhong ng sunod-sunod na taga ang biktima.

Dead on the spot si Galinio bunsod ng maraming taga sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Matapos ang krimen ay tumakas si Taradji gamit ang motorsiklo nito.

Napag-alaman sa report na nadagdagan pa umano ang galit ni Taradji kay Galinio nang malaman nitong textmate sila ng babae na labis na ikinaselos nito dahil malaki umano ang gusto ng suspek sa babae. (Jeff Gallos)