Pola, Oriental Mindoro pinakanapuruhan ng oil spill – PCG

Pola, Oriental Mindoro pinakanapuruhan ng oil spill – PCG

March 10, 2023 @ 4:54 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Higit na napinsala mula sa oil spill ang munisipalidad ng Pola sa Oriental Mindoro, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, ang karga ng motor tanker na (MT) Princess Empress na lumubog noong Pebrero 28 ay naanod sa bayan ng Pola.

Sinabi ni Balilo sa Laging handa briefing na base sa kanilang obserbasyon, ang bayan ng Pola ang talagang naapektuhan at pinakamaraming pinsala.

Katunayan aniya, ang apat na bayan nito ay naging ‘catch basin’ ng oil spill dahil na rin naanod ang barko sa tapat ng bayan ng Pola.

Ilang mga bakawan ang apektado sa probinsya lalo na ang mga mangingisda na hindi na rin makapalaot para mangisda kung saan fishing season pa naman sana ngayon sa lugar.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development spokesperson Assistant Secretary Rommel Lopez na magkakaroon ng cash-for-work program para sa mga residente na apektado ng oil spill upang sila ay matulungan sa kanilang kabuhayan.

Prayoridad naman ng programa ang poorest of the poor at mga mangingisda.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang PCG sa paglilinis sa oil spill sa Oriental Mindoro. Jocelyn Tabangcura-Domenden