Police chief ng Lanao, 2 iba pa sugatan sa bakbakan

Police chief ng Lanao, 2 iba pa sugatan sa bakbakan

January 29, 2023 @ 2:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sugatan sa bakbakan laban sa hinihinalang miyembro ng teroristang grupo ang hepe ng Marantao, Lanao del Sur at dalawa iba pang pulis.

Sa ulat nitong Sabado, Enero 29, sugatan si Major Bobby Egera, police chief ng Marantao, Lanao del Sur, at mga tauhan nito na sina Corporal Mujahid Taurac at Corporal Al-sadat Jahari nang makaharap ang local terror group na Dawlah Islamiya sa Barangay Nataron, Marantao.

Magsisilbi sana ng arrest warrant ang pulisya laban kay Abbas Dimmang Rampa, nang bigla na lamang itong paputukan ng grupo na kalaunan ay nauwi sa sagupaan.

Si Rampa na pasok sa most wanted person ng Marantao, ay namatay sa nangyaring bakbakan habang nahuli naman ng mga awtoridad ang dalawa sa mga kasamahan nito na si Ansaruna Mulingan Magi at Johari Taban Barani.

Nakuha naman sa clash site ang M-16 Armalite rifle with ammunition, granada, 18 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets ng suspected shabu at drug paraphernalia.

Itinurn-over naman sa pamilya ang katawan ni Rampa para mailibing agad ayon sa Islamic beliefs.

Samantala, binigyan naman ni Brig. Gen. John Guyguyon, Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region director, ang
“Medalya ng Sugatang Magiting”, sa tatlong sugatang pulis. RNT/JGC