Police escorts ng inambush na 5 PDEA agents, sinibak sa pwesto

Police escorts ng inambush na 5 PDEA agents, sinibak sa pwesto

October 8, 2018 @ 4:41 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Sinibak na sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang mga police escorts ng limang PDEA agents kaugnay sa nangyaring ambush sa Lanao Del Sur.

Kasabay ng pagsibak ay ang pagsailalim nila sa masusing imbestigasyon sa kung may partisipasyon ang mga ito sa madugong trahedya.

Sa press conference ni Albayalde sa Camp Crame, inihayag sa kanya mismo ni PDEA Director General Aaron Aquino na suspisyoso umano ang pagbitaw ng mga police escorts sa mga biktima bago nangyari ang pananambang.

Napag-alaman kasi ni Aquino sa imbestigasyon na bigla umanong humiwalay ang sasakyan ng mga escort na siyang bumubuntot sa convoy na walang paalam o koordinasyon.

“Nasa likod sila eh, initially nakabuntot lang, tapos biglang before the ambush biglang rumatrat ‘yung vehicle nila. Hindi na nila (PDEA agents) nakita. Basta nauna na lang and then [after] a few minutes, biglang in-ambush yung tropa ko,” ayon kay Aquino sa isang interview.

Bukod sa pagsibak sa posisyon ay pawang dinis-armahan na rin sina Police Inspector Judith Ambong, SPO2 Mohammad Malma, PO3 Benjie Albellera, PO3 Abdulwab Amondi at PO1 Saminoden Pidapan.

Pero ayon kay Albayalde na hindi pa malinaw sa regional police command kung sinadya ang pagbitaw nila sa binabantayang PDEA agents.

Ayon sa PNP Chief na ang paliwanag ng mga escorts ay hindi sila humiwalay sa convoy at hindi agad sila nakaresponde sa ambush dahil pawang maiikling armas lamang ang kanilang dala.

Naniniwala naman si Aquino na ilang maimpluwensyang illegal drug traders at pulitiko ang nasa likod ng pag-atake sa kanyang mga tauhan. (Jeff Gallos)