Polisiya sa pagbibigay ng permit sa telco infra pinarerepaso kay PBBM

Polisiya sa pagbibigay ng permit sa telco infra pinarerepaso kay PBBM

January 15, 2023 @ 8:52 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inirerekomenda ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglabas na ng executive order sa institusyonalisasyon ng joint memorandum circular (JMC) ng Anti-Red Tape Authority na nagpapadali ng pagbibigay ng permit at pagproseso sa konstruksyon ng telecommunications infrastructure.

Sa pahayag nitong Sabado, Enero 14, sinabi ng PSAC na nagkaroon na ng pagpupulong nitong Enero 12 ang kanilang digital infrastructure group kasama si Marcos at kasabay nito ay iniulat ang pagbuti ng telco permit processing mula nang ipatupad ang JMC ng ARTA noong Hulyo 2020.

Ang mga JMC na ito ay ang JMC No. 1, s. 2020; Revised JMC No. 1, s. 2021; at JMC No. 1, s. 2021.

Pinabilis at pinadali ng mga circular na ito ang panuntunan sa paglalabas ng permit, lisensya at certificate para sa konstruksyon ng shared passive telecommunications tower infrastructure.

Inaasahan na mag-eexpire na ang mga circular na ito sa Hunyo ng kasalukuyang taon.

Dahil dito ay inirerekomenda ng advisory body sa Pangul oang paglalabas ng bagong EO para sa permanenteng adoption at enforcement ng mga JMC ng ARTA, ng mga ahensya ng pamahalaan at local government units na kaugnay dito.

“PSAC fully agrees with the government that we are entering an age of adoption of technology. We are either left behind or we take that challenge head on. Here together, private and public sector, we are in a shared belief and commitment that technology has the power to uplift every Filipino. We saw it during the pandemic, and we see it as the path moving the nation forward and beyond,”sinabi ni digital infrastructure lead at Union Bank of the Philippines (UnionBank) chief technology and operations officer Henry Aguda.

Dagdag pa, kasabay ng pagpupulong, sinabi ni Aguda na sa implementasyon ng naturang mga circular, bumaba mula sa walong buwan sa 16 araw na lamang ang pagproseso sa shared telco tower infrastructures, ang permit requirements mula 13 na naging walo na lamang, at documentary requirement mula 86 patungong 35.

Napaikli rin ang pagproseso sa pagtatayo ng poste, konstruksyon ng underground fiber ducts, at paglalagay ng aerial at underground cable maging ang mga pasilidad na susuporta sa Internet infrastructure, nang mula sa dalawa at kalahating taon nang hanggang dalawa at kalahating buwan.

Katumbas ito ng mahigit 300% na pagtaas sa tower contruction o 7,000 na naitayong mga tower. RNT/JGC