Polisiya sa window hours nilinaw ng MMDA

Polisiya sa window hours nilinaw ng MMDA

April 21, 2022 @ 1:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naglabas ng paglilinaw ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa polisiya ng window hours na ipinapatupad sa provincial buses na nagdulot ng kalituhan sa publiko.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, batay sa umiiral na polisiya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lahat ng provincial buses ay dapat lamang na magbaba at magsakay ng pasahero sa North Luzon Express Terminal (NLET) sa Bocaue, Bulacan o sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na matatagpuan naman sa Parañaque City.

Aniya, pinagbigyan ng LTFRB ang hiling ng MMDA matapos na umapela ang mga provincial bus operators sa ahensiya na payagan silang pumasok at dumaan sa EDSA simula 10pm hanggang 5am, sa loob ng dalawang linggong dry run na nagsimula noong huling linggo ng Marso. Binigyang diin din ni Artes na hindi ipinagbabawal na mag-operate nang lagpas sa nasabing window hours ang mga provincial buses, sa kondisyon na hindi sila magbaba at magsasakay sa kani-kanilang mga pribadong terminal at sa halip ay gagamitin nila ang integrated terminals (NLET at PITX) alinsunod sa umiiral na patakaran ng LTFRB.

Kinumpirma ng opisyal na ang ahensiya at mga provincial bus operators ay nagkaroon ng gentleman’s agreement matapos silang humiling na palawigin pa ito, kung saan pinapayagan lahat ng provincial buses na dumaan sa kahabaan ng EDSA at gamitin ang kanilang Metro Manila terminals nang buong araw noong Semana Santa, partikular hanggang Abril 17 (Linggo ng Pagkabuhay). Mas pinalawig pa ang kasunduan hanggang noong Martes, Abril 19. Kaya naman muli nang ipapatupad ang window hours scheme nitong Miyerkules, Abril 20.

Bukod dito, iginiit ng opisyal na ang pangunahing tungkulin ng MMDA ay ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon at batas trapiko,10pm habang ang paggawa ng mga patakaran tungkol sa provincial buses at iba pa na may kinalaman sa transportasyon ay saklaw na ng Department of Transportation at LTFRB. JAY Reyes