POLISIYANG “UTANGC-TAGGING”, SINUSPINDE NG PR MALAKING TULONG SA MGA PROFESSIONAL AT GURO

POLISIYANG “UTANGC-TAGGING”, SINUSPINDE NG PR MALAKING TULONG SA MGA PROFESSIONAL AT GURO

September 13, 2022 @ 2:04 PM 3 weeks ago


Sinuspinde ng Professional Regulation Commission (PRC) ang polisiya nito na nakapaloob sa Memorandum Order No. 44 na tumutukoy sa mga propesyonal na may mga nakabinbing kasong administratibo na nagiging dahilan upang hindi nila ma-renew ang kanilang lisensiya sa PRC.

Ipinahayag ito ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma nitong Linggo, at sinabing ito ay agad na magiging epektibo

Ang PRC ay isang attached agency ng DOLE.

Ang nilagdaang Resolution No. 1558 nina PRC acting chairman Jose Cueto Jr. at commissioner Erwin Enad, ay bilang tugon sa isyung ‘utang-tagging,’ na inihain ni ACT Teachers Party-List Rep. France Castro sa congressional deliberation sa budget ng DOLE noong nakaraang linggo.

Sa ilalim ng polisiyang ito, hindi pinapayagan ng PRC na i-renew ang lisensiya ng mga guro dahil sa diumano’y hindi pa nila nababayarang utang.

Nagpahayag ng pagkabahala si Laguesma sa polisiyang ‘utang-tagging’ dahil nagbibigay ito ng hindi nararapat na pasanin sa mga propesyonal na may mga nakabinbing kasong administratibo. “Paano sila makapagbabayad ng kanilang mga utang kung hindi sila makakapagtrabaho dahil hindi ni-renew ng PRC ang kanilang lisensiya,” saad ng Kalihim

Sinabi ni Cueto na habang suspindido ang “utang tagging”, magsasagawa ang PRC ng pag-aaral at konsultasyon sa iba’t ibang professional boards na ang layunin ay isulong ang kahusayan at pagiging patas sa proseso at pamamaraan sa pagdidisiplina.

Pinasalamatan ni Laguesma ang PRC sa mabilis na pagtugon sa isyu, at kanyang binanggit na makapagbibigay ito ng agarang tulong hindi lamang sa mga guro kundi pati na rin sa iba pang mga propesyonal.

Habang kanyang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagbabayad ng utang at propesyonal na disiplina, kanya ring nilinaw na sa pagrepaso ng mga polisiya at mga pamamaraan sa pagdidisiplina, dapat ding ituon ng PRC ang kanilang tungkuling pangregulasyon sa mga hindi kanais-nais na gawain sa pagtupad ng kanilang mga propesyon.

Ang bawat regulasyon dagdag niya, ay dapat pumasa sa pagsubok ng pagiging makatwiran at hindi dapat gamitin upang parusahan ang mga propesyonal dahil lamang sa kanilang kalagayang panlipunan at pang-ekonomiyang sitwasyon.