Political amendments sa Cha-Cha posibleng matalakay- Rodriguez

Political amendments sa Cha-Cha posibleng matalakay- Rodriguez

February 23, 2023 @ 7:43 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aminado si House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na may posibilidad na matalakay din ang “political amendments” sa gagawing Constitutional Convention (ConCon).

Ang pahayag ay ginawa ni Rodriguez nang tanungin ito ni Gabriela Partylist Rep Arlene Brosas sa deliberasyon sa Kamara, ani Brosas, ang diskusyon ba sa ConCon ay magiging limitado lamang sa economic provisions at hindi matatalakay ang “political provisions”.

Sagot ni Rodriguez, bagamat ang nais ng komite ay talakayin lamang ang economic provisions dahil ito ang syang napapanahon na ayusin sa Saligang Batas, bukas naman sila kung magkaroon din ng pagtalakay sa political provisions o ang pagsusulong ng term extension.

Sinabi ni Rodriguez na upang maging malinaw na ang nais ng Komite ay tutukan lamang ang economic provisions sa ConCon ay maglalabas sila ng statement hinggil sa nasabing usapin.

Sa panig ni Brosas, sinabi nito na bagamat economic provisions ang syang layunin ng ChaCha ay duda itong hindi matatalakay na amyendahan din ang political provisions dahil sa  “Constituent power”.

Agad namang bumuwelta si Rodriguez sa pagsasabing sa kanilang ginawang deliberasyon ay economic provisions lamang ang nais na galawin ng mga stakeholders. Gail Mendoza