Political clans, hinikayat na manindigan sa Anti-Dynasty Bill

Political clans, hinikayat na manindigan sa Anti-Dynasty Bill

July 31, 2018 @ 1:12 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Hinikayat ni Sen. Bam Aquino ang mga political clan na manindigan at suportahan ang pagsasabatas ng isang anti-dynasty law alang-alang sa kapakanan ng taumbayan.

“Manindigan din dapat kaming mula sa political family. Suportahan natin ang anti-dynasty law, para sa ikabubuti ng taumbayan,” wika ni Sen. Bam, co-author ng Senate Bill No. 1765 o ang Anti-Political Dynasty Act of 2018.

Ayon kay Sen. Bam, kapag naisabatas ang isang anti-dynasty law, mahihikayat ang mas maraming magagaling na Pilipino na nais maglingkod na kumandidato at mabigyan ng pagkakataong makatulong sa pagbabago ng gobyerno.

“Matagal nang hindi pinapansin ang anti-political dynasty provision ng ating Konstitusyon. Panahon na para isabatas ito,” giit ni Sen. Bam.

“Tatlumpung taon nang overdue na ang batas na ito, at hindi ito pakiusap, mandato ito ng Konstitusyon. Dahil hindi lalago ang ating demokrasya hanggang may political dynasties,” dagdag pa ni Sen. Bam.

Binigyang diin din ni Sen. Bam ang kahalagahan ng pagsasabatas nito, lalo ngayong isinusulong ng pamahalaan ang pederalismo, na lalong magpapalakas sa kapit ng political dynasties sa mga lugar na kanilang nasasakupan.

Isa si Sen. Bam sa co-authors ng Anti-Political Dynasty Act of 2018 sa Senado. (Ernie Reyes)