POLITICAL KILLINGS RUMARATSADA NA NAMAN

POLITICAL KILLINGS RUMARATSADA NA NAMAN

March 10, 2023 @ 1:30 PM 3 weeks ago


WALA pang isang taon nang matapoos ang eleksyon ngunit sunod-sunod na ang nangyayaring patayang may kinalaman sa politika sa iba’t-ibang lugar sa bansa na nagdudulot ng takot at pangamba sa sambayanan.
Pinakahuli nito ay ang pamamaslang kay Negros Oriental Governor Ruel Degamo noong Marso 7 kung saan nadamay pa ang walo katao nang pasukin ang bahay nito ng ilang armadong kalalakihang gamit ang matataas na kalibre ng baril.

Ayon kay Pamplona Mayor Janice Degamo,tukoy niya ang nasa likod ng pagpatay sa kanyang asawang gobernador kung saan walang ibang dahilan kundi politika.

Samantala sinabi naman ni Pangulong Bongbong Marcos nang bumisita ito sa lamay ni Degamo na politika pa rin ang motibo ng pagpatay na walang puwang na ngayon sa kanyang adminitrasyon kasabay ng pangakong parurusahan ang may sala kaugnay sa pamamaslang sa respetadong lider ng lalawigan.

Maging ang dating Pangulong si Tatay Digong Duterte ay itinuturong political vendetta ang ugat ng naganap na masaker sa Negros Oriental.

Bago pa man ito, inambus din ang convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. noong Pebrero 17 sa Kalilangan,Bukidnon kung saan ikinasawi ng kanyang apat na escorts.

Bagaman nakaligtas ang gobernador, ikinabahala pa rin ito ng Malacanang na agarang inatasan ang Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pangyayari at panagutin ang mga responsible.

Ipinag-utos din ni PBBM sa pulisya na repasuhin ang mga alituntunin sa pagbibigay ng police bodyguards sa mga halal na opisyal upang maprotektahan sila matapos ang naganap na magkakasunod na pananambang.

Batid ng taumbayan na hindi kayang bantayan ng puwersa ng PNP ang lahat na halal na mga opisyal ng bansa subalit ang pansamantalang pagsasantabi ng awtoridad hinggil sa paglansag ng ilang private army sa magugulong lugar ang dahilan kaya malayang nagamit na naman sila ng mga naghaharing-uri na pulitiko?

O baka naman sadyang walang pangil lang talaga ang ginagawang paghabol ngayon ng PNP laban sa mga gun for hire na indibidwal at mga kriminal kaya lumakas ang loob ng mga nito na isagawa ang krimen laban sa mga opisyal?

Malayo pa man ang halalan ngunit kapag hindi maseguro ng awtoridad ang katahimikan sa mga lugar na may matinding away politika, posibleng lumala pa ang sitwasyon dito.