Manila, Philippines – Naniniwala si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na gaano man kalakas ang political noise na ginagawa ng oposisyon ay patuloy na nagtitiwala pa rin ang mayorya ng mga Pilipino sa pamahalaan.
Lalo na aniya kapag naramdaman ng mga tao ang mga pagbabago at nakikita ng mga ito may kaunting pagginhawa sa kanilang buhay.
Nakikita rin ng mga ito ang efforts o pagsisikap ng administrasyon na mapaunlad ang kalagayan ng bansa.
Nakikita rin aniya ng mga ito ang matagumpay na kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, mga pangakong isa-isa nang natutupad, pagka-epektibo ng mga adbokasiya laban sa droga, kriminalidad at korapsyon.
Naniniwala ang mga ito na kapag napuksa ang mga salot na ito, at maiangat at umusad ang buhay tungo sa kaunlaran ay walang bibitiw sa pagsuporta sa Pangulo at sa gobyernong Duterte.
“Ibig kong sabihin, it think that PRRDās persistent high trust ratings show that the Filipinos are appreciative of his decisiveness and efforts to address the many problems of the Filipino,” ayon kay Go.
Kaya nga para kay Go ,”Iyong mga Pilipino naman nararamdaman nila kung mayroon talagang pagbabago mismo sa mga lugar nila at sa buhay nila”.
Mapagkumbabang tinanggap ng Malakanyang ang resulta ng latest survey ng Pulse Asia kung saan kapuwa tumaas ang approval at trust rating ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi layon ni Pang. Duterte na pamunuan ang bansa para lamang makakuha ng mataas o good ratings.
Nagpasalamat naman ang Malakanyang sa publiko sa patuloy na pagbibigay kumpiyansa kay Pang. Duterte.
Tinutupad lamang aniya ng Chief Executive ang kanyang mga pangako noong kampanya.
” PRRD is working double time to rid society of drugs, criminality and corruption to achieve his goal of bringing comfortable life for all,” ani Sec. Roque.
Sa inilabas na resulta ng survey ng Pulse Asia na isinagawa noong June 15 hanggang 21, 2018, nakakuha si Pangulong Duterte ng 88 percent na approval rating. 3 percent lamang ang nakuha niyang disapproval at 10 percent naman ang undecided.
Mataas na 87 percent din ang nakuhang trust rating ng pangulo. 2 percent lang ang nagsabing maliit ang tiwala nila sa pangulo at 11 percent ang undecided.
Sa ulat, noong January 2018 nakakuha ang pangulo ng approval rating na 80 percent at trust rating na 82 percent.
Samantala sa parehong survey si Vice President Leni Robredo ay nakakuha ng trust rating na 56 percent at approval rating na 62 percent.
Si dating Senate President Koko Pimentel naman ay nakakuha ng trust rating na 64 percent at approval rating na 72 percent.
Si House Speaker Pantaleon Alvarez ay nakakuha ng trust rating na 45 percent at approval rating na 47 percent.
Habang mababa ang nakuha ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na mayroon lamang 19 percent na trust rating.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng pagtatanong sa 1,800 na adults sa ibaāt ibang bahagi ng bansa. (Kris Jose)