POLITICAL OPPONENTS NI OCA DESPARADO NA?

POLITICAL OPPONENTS NI OCA DESPARADO NA?

June 5, 2021 @ 11:21 PM 2 years ago


ILANG buwan na lang, mamimili na naman tayo ng mamumuno sa bayan kaya hindi nakapagtatakang ngayon pa lamang ay nagpaparamdam na ang mga politikong nagnanais tumakbo sa election.

Dahil – ika nga “election is just around the corner,” nabuhay na naman ang iba’t ibang gimik ng mga politiko, kundi papogi sa sarili, bibirahin ang kalaban para masira sa mata ng taumbayan.

Kumbaga, kalakaran na itong matagal sa mundo ng pulitika.

Itinuturing itong gimik at estratehiya ng mga politiko para makilala nang sa gayon ay tumatak ang kanilang pangalan sa isipan ng mamamayan.

Klasekong halimbawa ay ang nangyayari ngayon sa Caloocan.

Si Mayor Oca Malapitan ay ipinagharap ng sumbong sa Office of the Ombudsman dahil sa paratang na maanomalya umanong pagbili ng tablet.

Dahil ang mga nagdemanda ay mga political opponent, ‘di maiwasan na ito’y gimik o estratehiya lamang ng mga kalaban para masira ang reputasyon ni Mayor Oca sa mata ng mga taga-Caloocan.

Sinasabi ko ito dahil ‘yan ang katotohanan.

Sa tagal ko nang mamamayag na-exposed sa magulong mundo ng pulitika, marami akong alam na ‘kathang-isip’ o gawa-gawa lamang na demanda para siraan ang kalaban sa pulitika.

Wala rin akong matandaan na nag-prosper na reklamo o demanda sa isang nakaupong elected official na ang nagsampa ay political rivals.

Hindi natin pinangungunahan ang kahihinatnan ng kasong ito, pero ang ipinangangamba lang natin, baka tulad lang din ito ng maraming Ombudsman case na ang tunay na adhikain ay paninira sa kalaban sa pulitika

Dahil mulat nga ako sa kalokohan sa pulitika, maikuwento ko lang ang naging karanasanko sa isang politiko na humingi ng tulong sa akin para ma-enhance ang kanyang political image.

Dahil sikat at mahirap talunin ang kalaban, ‘di na ito nakinig sa akin, siya’y naging desperado, kaya ang ginawa’y demanda rito, demanda roon ang naging gimik at estratehiya sa pangangampanya.

Ang resulta – ulat.

Parang ganyang scenario ang nakikita natin ngayon sa Caloocan, tila desperado na ang mga political opponent ni Mayor Oca Malapitan.