POLITICAL PERSECUTION

POLITICAL PERSECUTION

July 12, 2021 @ 2:14 PM 1 year ago


NAKALULULA nga talaga ang kapangyarihan kung nasa tugatog na nito ang sinomang politikong hindi maiiwasan ang panggigipit sa kanyang itinuturing na kalaban sa pulitika.

Likas na sa mga mapang-aping lider sa bansang lumalangoy sa poder na sipain ang kanilang pinaniniwalaang kontra sa grupo kabilang ang mga alipores ng mga nakaraang administrasyon na hindi kayang himuking sumunod sa adhikain nito.

Subalit kung hindi man nila makumbinsi ang sinoman, respetuhin na lang sana ang desisyon nito at hayaan na lang sa kanilang paninindigang kadalasan ay hindi kayang sikmurain ang ginagawa ng ilang panginoong bulag at bingi na sa reklamo ng taumbayan bunsod sa sobrang pang-aabuso sa kapangyarihan nito.

Kagaya nitong ilang dilawang kongresistang sinampahan ng Presidential Anti-Corruption Commission(PACC) ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices dahil tumatanggap daw ng tongpats sa mga kontraktor sa pinagagawang mga proyekto sa kani-kanilang distrito.

Hayagang panggigipit lang naman bunsod sa ayaw umanong tumalon sa kasalukuyang Partido mula sa orihinal na grupo nitong liberal ni ex-Pangulong Noynoy.

Susmaryusep, bistado naman ang ginawang pambabalya ng PACC dahil alam ng sambayanan na halos lahat ng kongresista ay tumatanggap ng porsyento mula sa mga proyektong ‘yan. Ganito rin ang nangyari sa bayan kong sinilangan sa Masbate kung saan lumutang na panggigipit umano ang ginawang suspensyon kay Balud Mayor Ruben Jude “RJ” Lim dahil lang sa paniningil ng halagang 1,500 ng treasurer ng munisipyo mula sa isang Locally Stranded Individual (LSI) noong nakaraang taon na diretso rin naman sa kaban ng bayan at hindi ibinulsa ng opisyal.

Sa halip na ibagsak ng ilang abusadong opisyal ang nabanggit na Mayor na responsable sa naglalakihang proyekto’t programa sa kanyang lugar, nagsulputang parang kabute sa social media ang sympathizers nitong naawa sa ginawang harassment kay Lim.

Kaya naman mistulang artista itong kinuyog ng kanyang mga supporters nang bumalik na sa opisina noong Hulyo 6 matapos ang 60 day suspension na ayon sa ilang kritiko noon ay hindi na makababalik pa sa pagiging Alkalde nito.

Ibig sabihin, sa panahon ngayon hindi na maitatago sa mata ng sambayanan ang ginagawang pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang ganid sa posisyon na politikong darating ang araw ay matatapos din ang mga kawalanghiyaan nito.