Political vendetta nasa likod ng pang-iipit ng retirement benefits ng San Juan employees – solon

Political vendetta nasa likod ng pang-iipit ng retirement benefits ng San Juan employees – solon

February 28, 2023 @ 11:23 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Itinuturing ni Senador JV Ejercito na political vendetta ang hindi pagpapalabas ng terminal pay ng 20 retiradong empleyado ng San Juan City na isinumbong ng mga biktima sa kanilang tanggapan.

Sa kanyang privileged speech, sinabi ni Ejercito, dating alkalde ng lungsod na nagsilbi ang naturang retiradong empleyado sa panahon nito bilang dating alkalde kabilang ang kanyang magulang at kapatid sa amang si Sen. Jinggoy Estrada.

Aniya, aabot mula P1 milyon hanggang P3 milyon ang inaasahang makukuha ng retiradong empleyado mula sa San Juan.

“Hindi sila namili ng tutulungan at pagsisilbihan, ano man ang grupo o partido na kinabibilangan ng nangangailangan… ngunit nung sila po ay nag-retiro mistulang tiningnan at pinasama ang kanilang mabuting ugnayan sa aming pamilya,” ayon kay Ejercito.

“If they are not paid what is due to them, there is no other way to describe this as political vendetta,” giit ng senador.

Ibinahagi din ni Ejercito na bago ang kanyang privilege speech, nakipag-usap umano si San Juan Mayor Francis Zamora hinggil sa naturang isyu na kanyang babanatan sa Senado.

“Hindi po ito pagtira, Mr. President. Ito po ay pakiki-usap para maibigay na ang terminal pay ng mga empleyado na halos apat na taon na mula ng sila ay nagtapos ng serbisyo sa San Juan hanggang ngayon ay hindi pa ho nila nakikita,” ayon kay Ejercito.

“Ang kasalukuyang dinaranas ng mga retiradong empleyado ng San Juan ay ang malungkot na larawan ng lokal na pulitika sa ating bansa tuwing nagkakaroon ng pagpapalit ng liderato–may kulay at paghahati-hati,” giit pa niya.

Sinabi pa ni Ejercito na bilang chairman ng Senate committee on local governments, hindi nito matitiis na mangyayari ito sa mga retiradong empleyado ng naturang lungsod.

Naipadala na ng kanyang tanggapan ang reklamo sa Civil Service Commission pero wala pang kaukulang sagot mula sa komisyon. Nagsampa na rin ng kaukulang reklamo ang isang empleado sa Anti-Red Tape Authority pero wala pang desisyon o resolusyon sa kaso.

Sinabi pa ni Ejercito na personal na umapela ang isang empleyado mismo kay Zamora sa isang event sa lungsod ngunit sinabi nitong hindi kasama sa badyet ang naturang usapin.

“It’s just [a matter of] prioritizing. If they were able to bring the department heads, the barangay officials, and some leaders to Caramoan for a team building, [they] could have paid already probably five or six terminal [pays] of these employees,” aniya.

Binanggit din ni Ejercito ang probisyon ng Republic Act 10154 o ang batas na inaatasan ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tiyakin na ipapalabas ang kaukulang retirement pay, pensions, gratuities at iba pang benepisyo sa nagreretirong government employees.

“Under the law, the retirement benefits should be released within 30 days from the actual retirement of the employees; the highest priority shall be given to the payment and/or settlement of the pensions and other retirement benefits; and there is a penalty of suspension from service without pay from six months to one year in the event of unjustified failure or refusal to release retirement benefits due to an employee,” paliwanag niya.

“Kaya nga po ako ay tumayo siguro para matingnan natin kung ano ang pwedeng gawin natin sa batas para naman po sa mga magiging biktima rin–I’m sure na hindi lang naman sa San Juan ito nangyayari. Doon din sa ibang lugar na kung saan nagkaroon ng pagbabago ng administrasyon, madalas ay nangyayari po ito,” ayon sa mambabatas.

Kasabay nito, ibinahagi naman ni Senador Raffy Tulfo ang posibilidad na maghahain ng kaukulang kaso laban kay Zamora sa Office of the Ombudsman matapos magpahayag ng suporta sa naturang isyu.

“Ako po ay nanawagan kay Mayor Zamora–kung manipis po ang mukha niyo, ibigay niyo na. Kung makapal ang mukha niyo, i-Ombudsman ka,” ayon kay Tulfo.

Aniya, may batas na sa pagpapalabas ng retirement benefits ng dating empleado pero ang isyu dito ay implementasyon na lamang.

“Therefore, kung nagmamatigas si Mayor Zamora, sasampahan natin ng kaso sa Ombudsman and on top of that siguro iparating natin sa mga constituents niya, sa mga botante about his character and let the voters decide pagdating ng eleksyon kung sisibakin ba o i-retain ang isang lingkod bayan na hindi ginagawa ang tama para sa kanilang mga botante, para sa kanyang mga constituents,” aniya. Ernie Reyes