POLITICAL VIOLENCE SUMIKLAB NA NAMAN SA MASBATE

POLITICAL VIOLENCE SUMIKLAB NA NAMAN SA MASBATE

January 5, 2022 @ 4:51 PM 7 months ago


LIMANG buwan bago ang eleksyon sa bayan kong sinilangan sa Masbate, heto’t nag-umpisa na naman ang matagal nang tradisyon ng karahasan na pinaniniwalaang kagagawan ng ilang maiitim ang budhi na politikong nakasanayan nang gumamit ng dahas upang maluklok sa poder.

Ang pinakahuling pangyayari rito ay ang masaker na naganap sa Sitio Punta Dao, Barangay Dao, Balud kung saan napatay ang empleyado ng LGU na si Reynand y Navea,34- anyos, binata at Lyn Rubio y Canones, may-asawa at anim na anak.

Sugatan din ang isa pang casual employee na si Sonny Aceron y Ortega, 24-anyos at sibilyang si Randy Rubio y Tanes kung saan ayon sa mga nakasaksi, apat na hindi kilalang kalalakihang armado ng M-16,kalibre .45 at .9mm na baril ang ginamit sa pamamaslang habang nag-iinuman at hinihintay ng mga biktima ang pagsapit ng Bagong Taon noong Disyembre.31 bandang alas-8:00 ng gabi.

Batay sa ating pagsasaliksik, pawang mga taga-suporta ni Balud Mayor RJ Lim ang mga empleyado’t sibilyang naging collateral damage ng pangyayaring ‘yun.

Masaklap lang ang sinapit ng pamilya ng nasawing si Lyn dahil anim ang iniwan niyang anak kung saan 12-anyos ang panganay at tatlong taong gulang naman ang bunso na sa murang mga edad ay nawalan na ng nanay na magkakalinga sa kanila.

Ang masakit pa ilang araw matapos ang pangyayari, binabalikan pa umano ng mga pinagduduhang kasamahan ng mga suspek ang mga kaanak ng biktima at tinatakot na kapag hindi raw kumalas sa pagsuporta kay Mayor RJ at asawa nitong si Lei Lim, sila naman ang isusunod sa hukay.

Sukdulan na talaga ang kahayupan at pagmamalabis kay Mayor RJ at sinuspinde na nga dahil sa walang kwentang kaso, ngayon naman ay tinatabas ang mga tagasuporta nitong batid ng mga kababayan kong kagagawan ng mga politikong hayok sa poder.

Pakiimbestiga nga po nito PRO5 RD Jonnel Estomo at PNP Chief General Dionardo Carlos.