Poll watchers na sinaktan ng mga sundalo sa Lumbatan, lumantad!

Poll watchers na sinaktan ng mga sundalo sa Lumbatan, lumantad!

May 16, 2022 @ 3:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lumantad at nanawagan ng hustisya ang mga poll watchers ng Lumbatan, Lanao del Sur makaraang masaktan sa naganap na agawan ng balota sa pagitan nila at ng 103rd Infantry Brigade kaugnay sa nakalipas na May 9 Local and National Elections.

Sa isinagawang press conference ay iprinisinta nila ang video kung saan makikita ang di umano’y pang-aagaw ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng balota, ang pagpaputok ng baril, at maging ang ilang beses na pagdunggol ng sasakyan sa lalaking pumipigil na huwag makuha ang balota.

Kuha ni: Danny Querubin

Isinalaysay din nila ang mga naganap noong araw ng halalan mula sa pagboto hanggang sa mauwi sa sakitan at agawan ng balota.

Ipinakita din nila na makakuha ng zero vote ang kumakandidato sa pagka-alkalde na si Lominog Lao Jr. sa mismong presinto kung saan siya bumoboto sampu ng kanyang pamilya.

Samantala, ayon sa kampo ni Lao sa pamamagitan ni Atty. Bayan Lao ay maghahain sila sa Commission on Elections (Comelec) ng “Petition for the annulment of election result in the 6 affected barangay o failure of election.”

Kabilang sa mga barangay na ito ang Pikutahan, Minunya, Tambac, Lunay, Ligue, at Magdata.

Matatandaan na nagkatunggali sa pagka-alkalde ang magpinsan na sina incumbent Mayor Allan Lao at Lominog Lao Jr. sa bayan ng Lumbatan na mayroong 21 barangay na may mga botanteng tinatayang nasa humigit kumulang 14,000.

May 11 ay iprinoklama sa kanyang tahanan ang incumbent Mayor Allan Lao.

Kinuwestyon din nila ang pagpayag ng Comelec na patakbuhin ang anak ni Mayor Allan Lao na si Aljayeed Lao sa pagkabise-alkalde kahit 19-anyos lamang ito.

Dumalo sa pagtitipon sina Atty Lao, mga poll watcher na sina Aliah Macabangkit, Sharon Umpara, Jahanisa Umpara, Jalpha Umpara, Rajib Mua at Mohammad Omar. Jan Sinocruz/ Larawan kuha ni Danny Querubin