POLO Dubai humiling sa POEA: Magbabakasyong OFWs bigyan ng OEC

POLO Dubai humiling sa POEA: Magbabakasyong OFWs bigyan ng OEC

June 13, 2022 @ 10:08 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Philippine Overseas Labor Office (POLO)-Dubai Attaché John Rio A. Bautista sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na pansamantalang magbigay ng Overseas Employment Certificates (OECs) sa mga manggagawang Pilipino na nagbabakasyon sa Pilipinas upang sila ay makabalik sa UAE.

Kasunod ito ng pagsasara  ng labor office sa loob ng dalawang araw bunsod ng pagkakaroon ng COVID ng ilang mga tauhan nito. Kasalukuyan ding sumasailalim sa 10 araw na isolation period ang mga infected na empleyado ng POLO

Sinabi ni Bautista, dahil sa limitadong bilang ng mga tauhan na hindi nahawahan ng COVID-19, hiniling ng POLO Dubai sa POEA na i-accommodate at payagan ang mga apektadong OFW na nabigo na ma-verify ang kanilang mga kontrata sa [employment] onsite na mabigyan ng OEC.

Ang pagpapatunay ng mga kontrata sa pagtatrabaho ay kinakailangan kapag nag-aaplay para sa isang OEC. Kailangang may OEC ang mga OFW upang makasakay sa kanilang mga flight pabalik ng UAE. Ito ay nagsisilbing travel tax at terminal fee exemption, gayundin ang patunay na sila ay naproseso sa POEA.

Kasama sa mga dokumentong ito ang kopya ng residence visa na nakatatak sa pahina ng pasaporte at ang mismong kontrata sa pagtatrabaho.

Binanggit ni Bautista ang mga probisyon ng POEA Memorandum Circular 23 series of 2021 bilang batayan ng kanyang kahilingan.

“Based on this POEA Memorandum Circular, it is possible for OFWs not in possession of verified contracts to be allowed to process their OECs in the Philippines provided they present the complete requirements and follow the procedures…,” sabi ni Bautista sa advisory

Magbubukas muli ang POLO sa Lunes, Hunyo 13—dahil walang opisina tuwing Sabado at Linggo—at makikipagtransaksiyon lamang sa mga OFW na gumawa ng appointment, ani Bautista.

Sa isang nakaraang panayam, hindi isiniwalat ng labor attaché kung ilan sa mga tauhan ng POLO ang nahawa.

Aniya ang isang malaking bilang na maaaring makaapekto sa kanilang mga operasyon, ay maglalagay sa kanilang kliyente sa panganib pati na rin sa iba pang mga kawani

Ang POLO ay may kabuuang humigit-kumulang 25 na kawani, kabilang ang mga opisyal ng welfare. Jocelyn Tabangcura