Pondo ng CHED, SUCs lusot na sa pagsusuri ng Kamara

Pondo ng CHED, SUCs lusot na sa pagsusuri ng Kamara

September 22, 2022 @ 8:48 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Lusot na sa pagsusuri at paghimay ng mga kongresista ng taunang badyet ng Commission on Higher Education (CHED) na nasa P30.7 bilyon at ng State Universities and Colleges (SUCs) na nasa P93.9 bilyon.

Agad kinuwestyon ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr. kung sapat pa ang pondo ng CHED sa kabila ng pagtapyas sa 2.2 porciento sa badyet ng Universal Access to Quality Tertiary Education para suportahan ang kasalukuyang mga nag-aaral sa kolehiyo at mga magsisipag-enroll pa.

Kumpiyansa naman si Committee on Appropriations Vice Chair at CHED budget sponsor Iloilo Rep. Janette Garin na dahil sa pandemya ay maraming estudyante ang nagsilipatan mula sa pribadong kolehiyo tungo sa mga pampublikong universidad.

“The Commission is looking for opportunities by which avenues will be generated so that no student will be refused education,” ani Garin.

Pinuna naman ni Northern Samar Rep. Paul Ruiz Daza ang dokumentong nagmula sa CHED na ang national average para sa mga dropout o tumigil sa pag-aaral sa bansa ay nasa 26 porciento.

“Meaning one out of four students who enrolled in college or university ends up not graduating,” ani Daza kung kaya agad niyang kinuwestyon si Garin kung ano ang mga nakalatag na programa at solusyon ng CHED upang mabawasan ang dropout.

Nagbigay katiyakan si Garin sa mga mambabatas na sinisiguro ng CHED na pag-aaralang mabuti at aalamin ang mga dahilan kung bakit nawalan ng interest ang mga bata na pumasok at agarang lalapatan ito ng solusyon.

Sa P93.3 bilyong panukalang alokasyon naman para sa SUC ay iginiit ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Danniel Manuel na bago ipatupad ang 100 percent face-to-face classes ay kailangang ipatupad ang kaukulang paghahanda kabilang ang katiyakan ng “proper ventilation of learning spaces, COVID-19 testing programs, as well as the availability of on-campus health facilities.”

Tinutulan ni Manuel ang mababang alokasyon para sa SUC sa 2023 dahil posibleng hindi nito kayanin ang pagpapanatili sa health standards at protocols sa mga paaralan.

Samantala, nanawagan si Pangasinan Rep. Christopher de Venecia sa Kongreso na suportahan upang maging ganap na batas ang pagkakaroon ng national charter para sa National Library of the Philippines, habang idinidepensa nito ang panukalang badyet para sa NLP na P161.122 milyon.

Aniya, “the current legal bases of the National Library are in the Public Act No. 96 of 1901 and the Public Law Act of 1935 but there are no more recent laws that substantively serve as a charter for the National Library. Among those budget items are P97.6 million for fire suppression and alert system, P52 million for a permanent gallery, P37 million for children’s service modernization, and P40 million for a conservation laboratory.” Meliza Maluntag