Pondo ng ELCAC itinaas sa P10B

Pondo ng ELCAC itinaas sa P10B

August 23, 2022 @ 11:33 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mula sa P5.62B ay itinaas sa P10B ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) para sa mga barangay na hindi na pinamumugaran ng mga komunista.

Sa isang press briefing sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na kasama sa budget ng Local Government Support Fund ang nasabing NTF-ELCAC funds, aniya, sa ngayon ay wala pang listahan kung saan saan barangay mapupunta ang naturang pondo.

“Wala pa po silang napapadala na listahan, subject to guidelines that we will prepare with the Department of Interior and Local Government and National Security Agency”paliwanag ni Pangandaman.

Ang NTF-ELCAC ay ang ahensyang lumalaban sa communist rebellion sa bansa, ilang kritiko ang bumabatikos dito dahil sa red-tagging sa mga oposisyon at aktibista.

Ang Barangay Development Program sa ilalim ng NTF-ELCAC ay nakatutok sa pagestablisa ng mga socioeconomic projects para buhayin at palakasin muli ang mga dating komunidad na dati ay kuta ng mga communist groups.

Maliban sa pagpapalakas sa mga komunidad na dating komunista at popondohan din ng P13.9B sa ilalim ng 2023 budget ang mga 4th,5th at 6th class municipalities.

Sinabi ni Pangandaman na ang growth equity fund na ibibigay sa mga maliliit na munisipalidad ay upang makapagpatayo ng mga proyekto at programa upang makasabay ito sa mas malalaking mga munisipalidad at siyudad. Gail Mendoza