Pondo ng GSIS, SSS ‘di na isasama sa Maharlika Fund – Quimbo

Pondo ng GSIS, SSS ‘di na isasama sa Maharlika Fund – Quimbo

December 7, 2022 @ 7:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi na kukuha ng pondo mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) ang Maharlika Investment Fund.

Ito ay kasabay ng takot ng publiko na mawawalan ng benepisyo ang mga pensioners’ ng dalawang government insurance funds (GIFs) kung malulugi ang naturang investment.

Sa press briefing na isinagawa nitong Miyerkules ng gabi, Disyembre 7, inanunsyo ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na nagkasundo ang
House of Representatives Committee on appropriations na amyendahan sa Biyernes ang naturang panukala.

Dahil dito ay aalisin na ang P125 bilyon na pondo mula sa GSIS at P50 bilyon na pondong kukunin sa SSS na orihinal na kabilang sa House Bill No. 6398.

Si Quimbo na senior vice chairperson ng Committee on appropriations, ang isa sa mga may-akda ng panukala.

Matatandaan na ang MIF, o sovereign wealth fund ng bansa, ay kukuha ng pondo mula sa mga nabanggit na ahensya at iba pang banko upang gamiting investments sa Pilipinas at ibang bansa.

Nagdulot ito ng takot sa publiko at mga kritiko na maaari umanong pumalya ito at maapektuhan ang mga pensioners. RNT/JGC