Pondo sa plebisito ng Pagadian City, inihahanda na

Pondo sa plebisito ng Pagadian City, inihahanda na

October 16, 2022 @ 9:31 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihahanda na ng lokal na pamahalaan ng Pagadian City ang pondo upang maisagawa ang inaabangang plebisito na gagawing hiwalay ang naturang lungsod mula sa probinsya ng Zamboanga del Sur.

Ito ang sinabi ni Pagadian City Mayor Samuel Co kung saan naglaan na umano ang konseho ng nasa P20 milyon pondo para sa botohan na itatakda ng Commission on Elections.

Umaasa si Co na sa lalong madaling panahon ay maisasagawa na ang plebisito at maratipikahan ang Proclamation No. 1247 na inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon na gagawing highly urbanized city (HUC) ang Pagadian.

Kung papabor ang mga residente sa panukala, ang 2nd class component city na ito ay hindi na magiging sakop ng kasalukuyang probinsya nito at mawawalan na rin ng administrative supervision ang pamahalaan panlalawigan.

Sa pamamagitan nito ayon kay Co, mas magkakaroon ng mabilis na pagtugon sa serbisyo at pangangailangan mula sa national government ang Pagadian at madadagdagan din ang suporta mula sa pulisya.

Ito ay dahil bibigyan mandato ang Philippine National Police na maglagay ng anim na istasyon ng pulis sa oras na maging HUC ang lungsod.

“That will be a big boost to our peace and order campaign which, in turn, will help drive local business,” ani Co.

Nagbabala naman si Zamboanga del Sur gov. Victor Yu na maaaring mawalan ng nasa P400 milyon na national tax allotment ang Pagadian City kung ito ay magiging HUC.

Dahilan ito kung bakit nais naman ni Yu na ang kabuuan ng probinsya ang bumoto sa isasagawang plebisito para rito. RNT/JGC