Pondo sa regionalization ng Bilibid target sa 2024 budget – Angara

Pondo sa regionalization ng Bilibid target sa 2024 budget – Angara

November 10, 2022 @ 3:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng Department of Justice na maglaan ng pondo sa regionalization ng New Bilibid Prison (NBP) sa ilalim ng 2024 budget.

Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara nitong Huwebes, Nobyembre 10 kung saan tinanong ni Senador Robin Padilla ang update tungkol sa planong regionalization ng Bilibid.

“Ang sabi po ng kalihim dito sa inyong katanungan is that isasama po nila sa 2024 budget dahil pinag-aaralan po nila nang masinsinan itong regionalization,” pahayag ni Angara.

“Hindi po madali ito at isang nationwide ang scope o ang lawak po ng kanilang gagawin at sang-ayon po sila sa inyo na kailangan na po, in fact, pabor po sila sa matagal nang plano na ilabas sa Bilibid ‘yung maximum security prisoners,” dagdag pa niya.

Inihayag din ni Angara ang planong paglalagay ng prison facilities sa Mindoro at Nueva Ecija upang paluwagin ang NBP at mabura ang mga sindikato sa loob ng Bilibid sa Muntinlupa.

“Humihingi lang sila ng kaunting suporta sa atin, siyempre ng kaunting oras dahil bagong upo lang sila at marami po silang sinanggang mga suliranin na nandyan na po,” aniya.

Nalugod naman si Padilla sa impormasyon na ibinigay ng DOJ na isa umanong konkretong solusyon sa overpopulation sa NBP. RNT/JGC