Pondo sa research ng root crop production, dagdagan – Bato

Pondo sa research ng root crop production, dagdagan – Bato

October 19, 2022 @ 1:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihihirit ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na dagdagan pa ang pondo ng pamahalaan para sa pagsasaliksik sa produksyon ng root crops sa bansa.

Ito ang inirekomenda ng Senador nitong Martes, Oktubre 18 kasabay ng pagdinig ng Senado sa proposed P263.8 bilyon na budget ng Department of Agriculture sa 2023.

Ani Bato, tinutukan ng kagawaran ang produksyon ng bigas, isa sa dahilan ng pagkakaroon ng diabetes ng mga tao.

“Tingin ko ‘yung focus sa ating rice development doon tayo naka-focus. Totoo naman talaga, lahat tayo kumakain ng bigas … Mas marami tayo slopes compared sa flat lands. Naisip ko kasi, sige tayo sa develop sa rice. Why not develop yung substitute to rice. ‘Yung mga root crops like ‘yung kamote, ‘yung cassava, ‘yung gabi, ‘yung ube. Lahat naman ito ay magandang source naman ng pagkain,” rason ng Senador.

Mas sensitibo rin ang palay kumpara sa mga root crops, na madalas napipinsala tuwing may bagyo.

Dagdag pa rito, inalala rin ni Bato ang kanyang kabataan na ipinagluluto pa ng kanyang nanay ng kamote.

Mayroon din itong mga benepisyo sa kalusugan.

“Akala ko noon ay ‘yung ginagawa ng nanay ko ay dahil sa aming kahirapan. Pero ngayong tumanda na ako, sabi ng mga health experts, sabi ng mga fitness and wellness experts, ‘wag ka sige kain ng rice dahil ‘yan ang source ng diabetes. Tapos etong mga healthy na pagkain na mga root crop, mas gaganda katawan,” pagbabahagi ni Dela Rosa.

“Why not mag-concentrate tayo sa pag-produce ng root crops. Then i-educate natin ang publiko, sabihan nati ang publiko na mas healthy ito kumpara sa rice. Mas malayo ka sa diabetes dito,” dagdag pa niya.

Sinegundahan naman ni Senate Minority Aquilino “Koko” Pimentel III ang suhestyong ito ni Dela Rosa at nagtanong kung ano ang iba pang maaaring pampalit sa kanin bilang staple food.

“Among the root crops, ano pong root crops ang masasabi nating bagay, the best to be produced in the Philippines?” tanong ni Pimentel.

“Kamote is one of the root crops that we are trying to propagate. The second is cassava because this is both an industrial demand and a commercial demand. Meron pa rin tayong maliliit na root ctops kagaya halimbawa ng … ube that we are trying to produce in quantity,” tugon naman ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban.

Sa kabila nito, inamin naman ng DA na mananatiling major commodity ang kanin.

“We cannot replace rice as a major food item for Filipinos,” aniya. RNT/JGC