Pondo sakaling suspendihin ang BSKE 2022, ‘di saklaw sa 2023 budget – Comelec

Pondo sakaling suspendihin ang BSKE 2022, ‘di saklaw sa 2023 budget – Comelec

September 9, 2022 @ 6:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi kasama sa panukalang 2023 budget ng Commission on Elections (Comelec) ang dagdag na pondo na kakailanganin kung ipagpapaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Disyembre 2022 sa susunod na taon, sinabi ni Comelec chairman George Garcia noong Biyernes.

Ginawa ni Garcia ang kumpirmasyon sa gitna ng pagtatanong ni Albay Representative Edcel Lagman sa presentasyon ng Comelec ng panukalang P5.2 bilyon nitong budget noong 2023.

Ayon kay Garcia, kailangan ng P10 bilyon kung gagawin ang barangay at SK polls sa Mayo 2023.

Dagdag pa ang pangangailangan ng P17 bilyon kung ang election ay ipagpapaliban sa Disyembre 2023.

“Mr. Chairman, if there is no budget for the Comelec for the conduct of the elections, then there is no budget for the Comelec to spend,” ani Garcia.

Sinabi ni Lagman na ang hindi sapat na badyet na ito para sa pagsasagawa ng isang democratic exercise ay hindi kanais-nais na balita.

Buwan ng Agosto nang pagbotohan ng House Suffrage and Electoral Reforms Committee ang pagpapaliban ng barangay at SK elections sa Disyembre 4, 2023.

Samantala, sinabi ni Lagman na mas mainam na pondohan ng Kamara ang matagal nang hinihiling ng Comelec na sariling gusali na aabot sa halagang P9.3 bilyon na mas mababa sa pondo na kailangan para sa pagsasagawa ng BSKE sa 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden