Pondong ibinayad ng gobyerno sa Red Cross, i-audit – Roque

Pondong ibinayad ng gobyerno sa Red Cross, i-audit – Roque

September 7, 2021 @ 7:13 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng Malakanyang na kailangang i-audit ng Commission on Audit (COA) ang Philippine Red Cross (PRC) sa kabila ng pagiging non-government organization nito.

Bagaman hindi naman lahat ng pondo ng PRC ay mula sa pamahalaan ay nararapat pa ring himayin ng COA ang pondo nito na galing sa suporta ng gobyerno.

“Hindi naman lahat ng pondo ng PRC ay galing sa gobyerno, hindi talaga dapat i-subject ng audit ng COA. But insofar as tumatanggap ang PRC ng government support, kinakailangan i-audit,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Kailangan ani Sec. Roque na tingnan ng COA ang PRC’s RT-PCR test service ng PRC lalo na’t kung hindi nakatatanggap ng discount ang senior citizens sa kanilang covid tests.

“Unang-una, yung sinabi ni Presidente, binibigay ba ang benepisyo sa mga senior citizens?” ayon kay Sec. Roque.

“Ang alam ko halos lahat ng makina ng Red Cross ay donated, pero bakit ang singil ay ₱4,000? Dapat kung donated ang machines dapat mas mababa sa ₱4,000 ang singil sa RT-PCR. Ngayon po, sa paguutos ng Presidente, gusto niya malaman sa PhilHealth, ‘Bakit kayo nagbayad ng ₱4,000?’,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, hiniling ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang full audit report sa PRC matapos na akusahan nito si PRC chairman Senator Richard Gordon nang paggamit ng pondo ng organisasyon para sa kanyang electoral campaigns.

Inakusahan din ni Pangulong Duterte ang PRC ng paglabag sa Expanded Senior Citizens Act para sa sinasabing hindi pagbibigay ng discount sa mga senior citizens para sa kanilang COVID-19 tests, na mayroong “astronomical rates.”

Pinabulaanan naman ni Gordon ang akusasyong ito sa kanya at sinabi ng COA na wala itong hurisdiksyon para i-audit ang organisasyon.

Gayunman, nanindigan naman si Sec. Roque na kailangan pa rin na i-audit ng COA ang PRC.

“Ito may involve not only public funds, but also meron din ditong issues of good governance,” anito.

Nakasaad sa Republic Act No. 10072 na “The Philippine Red Cross shall, at the end of every calendar year, submit to the President of the Philippines an annual report containing its activities and showing its financial condition.”

Sinasabi pa rin ng batas na “The Philippine Red Cross shall be recognized as the voluntary, independent and autonomous nongovernmental society auxiliary to the authorities of the Republic of the Philippines in the humanitarian field.” Kris Jose