POPULASYON PROTEKTAHAN, MAGPABAKUNA – BONG GO

POPULASYON PROTEKTAHAN, MAGPABAKUNA – BONG GO

August 25, 2021 @ 2:04 PM 10 months ago


Manila, Philippines – INAMIN ni Senator Christopher “Bong” Go na mahihirapan o imposible ang “herd immuniy” kaya hinimok niya na magpabakuna na ang mga hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 para maprotektahan ang populasyon at hindi bumagsak ang healthcare system ng bansa.

Muling iginiit ni Go ang publiko na huwag matakot sa bakuna sa pagsasabing ito ang tanging susi o solusyon para unti-unti tayong makabalik sa normal na pamumuhay.

“Bagama’t mahirap po ‘yung herd immunity ngayong taong ito, sa tingin ko po population protection muna. Population protection – ibig sabihin hindi bumagsak ‘yung ating healthcare system, mababawasan po ‘yung mga kaso,” ayon kay Go.

Sinabi ng senador na patuloy na lumalakas ang kumpiyansa sa bakuna dahil napag-isip-isip na rin ng marami na ang mga hindi bakunado ang pinakamalapit sa panganib na magkaroon ng virus at maospital.

“Kaya napapansin ko po ngayon tumataas na po ‘yung tiwala sa bakuna, marami na pong gustong magpabakuna dahil napatunayan nga nila ‘yung mga nasa hospital ngayon, ‘yung mga nagkaka-COVID, ‘yung mga naging positibo, at ‘yung mga namamatay, karamihan ay hindi po bakunado,” sabi ni Go.

 “Kaya ulitin ko, ‘yung mga nasa priority list group, […] magpabakuna na ho kayo para po protektado kayo. Kung mahal ninyo po ang inyong pamilya, mahal po ninyo ang inyong mga anak, magpabakuna na ho kayo,” iginiit ng senador.

Bagama’t may adjustments aniya sa community quarantine restrictions ay hindi pa rin dapat magkumpyansa.

Samantala, inanunsyo ng senador na ang special risk allowances para sa medical frontline workers ay malapit nang mailabas habang naghahanda rin ang gobyerno na maglaan pa ng karagdagang pondo kung kinakailangan.

“Mare-release na po ‘yung 311 million para doon sa SRA. At kung may mga kulang pa, inatasan na ni Pangulong Duterte ‘yung DBM, ‘yung Executive department na maglaan ng pondo,” aniya.

“I’m urging the DOH, bilisan niyo na po ang proseso. Kaya nga po kami rito sa Senado, binibilisan na rin natin ‘yung pagdinig para po makatrabaho na rin po ‘yung mga DOH natin, hindi na po nakatutok lamang dito sa hearing.”

“At ma-comply na lahat, ‘yung mga katanungan, kung wala naman pong problema, ay para po makapagtrabaho na rin po itong mga DOH officials natin, para nakatutok po dito sa COVID response na wala na silang ibang iniisip na iba pa,” anang mambabatas. ####