Population protection sa NCR makakamit sa Setyembre – OCTA

Population protection sa NCR makakamit sa Setyembre – OCTA

July 14, 2021 @ 6:24 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Naniniwala ang OCTA Research group na makakamit ng Metro Manila ang population protection sa Setyembre kung patuloy na magiging prayoridad ang NCR Plus 8 sa pagbabakuna kontra coronavirus disease (COVID-19).

“Kung tutuloy-tuloy itong NCR Plus 8, ang projection namin is by September, October maaabot na natin ‘yung sinasabi nating population protection dito sa National Capital Region, NCR Plus,” ani Professor Ranjit Rye sa isang panayam sa GMA News.

Ang NCR Plus 8 ay binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Pampanga, Metro Cebu, at Metro Davao.

Ayon kay Rye, sampung porsyento pa lamang ng mga residente sa NCR ang bakunado na kontra COVID-19.

Target ng gobyerno na magbakuna ng 70 porsyento ng populasyon ng mga matataong lugar.

“Pag nangyari ‘yan at namanage natin ‘yung pandemic sa mga lugar na ito ay mas makakapag-cope tayo ng ekonomiya, makakabigay ng trabaho sa ating mga kababayan, so we’re really looking forward to opening the economy in the NCR Plus 8,” punto nito.

“Ang tanong, meron bang saysay ‘yan sa mga ibang probinsya, sa mga rural folks natin… oo, meron po. Kasi kahit na NCR Plus 8 ang priority, ‘pag magbukas ang ekonomiya dito, mabibiyayaan ang buong bansa,” paliwanag ni Rye. RNT/ELM