Pork ban sa 2 bayan sa Cebu ikinasa

Pork ban sa 2 bayan sa Cebu ikinasa

March 12, 2023 @ 11:44 AM 2 weeks ago


CEBU CITY- NAGLABAS ng kautusan ang dalawang bayan sa Cebu sa mahigpit na pagbabawal na magpasok ng karne ng baboy at buhay na baboy sa Argao at Danao.

Sa executive order na ipinalabas nina Argao Mayor Alan Sesaldo at Danao City Mayor Thomas Mark Durano, nakasaan ang pansamantalang pagsuspinde ng pagpasok ng mga live hogs, pork at pork products sa kanilang lokalidad dahil sa kumpirmadong presensya ng African Swine Fever (ASF) virus sa Carcar City.

Sinabi ng dalawang alkalde, ang kanilang ginawa at para protektahan ang industriya ng baboy sa kanilang lokalidad mula sa impeksyon ng ASF virus.

Iniutos ni Sesaldo ang pagbabawal sa pagpasok ng karne ng baboy at ang kanilang mga produkto mula sa Carcar City ay idineklara bilang “red zone” kung saan natukoy ang impeksyon noong Marso 1, kabilang ang mga nagmumula sa buffer (pink) zone.

Nakasaad sa kautusan ng lokal na pamahalaan ng Argao ang pansamantalang pagbabawal na magpasok ng mga buhay na baboy, biik, inahing baboy, tabod ng baboy-ramo, baboy, at mga produkto ng baboy sa anumang dami na maaaring galing sa mga munisipalidad at lungsod sa Lalawigan ng Cebu na idineklara na sa red at pink zones sa loob ng 30 araw.

Papayagan lamang makapasok ang mga buhay na baboy kung makakapagpakita ang negosyante ng veterinary health certificate at meat inspection certificate (MIC) para sa locally produced pork at pork products.

Habang ang mga processed meat product at iba pang produktong may kinalaman sa baboy ay kinakailangang kumuha ng license to operate (LTO) mula sa Food and Drug Administration, ganun ng accreditation registration mula sa Provincial Capitol ang mga driver ng livestock vehicles.

Nakatutok rin ang lokal task force ASF na magsasagawa ng inspeksyon sa mga daungan sa Argao upang higpitan ang paggalaw ng mga buhay na baboy, baboy, at mga produktong baboy at pahihintulutan lamang ang mga dokumentadong “pagdaraan ng mga sasakyang panghayupan.”

Sa Danao City, naglabas si Durano ng EO 20 para magpataw ng pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy, biik, sows, boar semen, pork, at pork by-products na nagmula sa Negros Oriental province at Carcar City.

Sinabi ni Durano na papayagan lamang ng lungsod ang pagpasok kung makakapagpakita ng tamang dokumentasyon ang mga negosyante. Mary Anne Sapico