Pork supply, sapat ngayong kapaskuhan – DA

Pork supply, sapat ngayong kapaskuhan – DA

December 5, 2022 @ 9:06 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Linggo na sapat ang supply ng karne ng baboy upang tugunan ang market demand ngayong holiday season.

Sinabi ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez na dahil maraming mamimili ang mas gusto ang fresh meat, mga seller lamang ng frozen meat ang nagdadalawang-isip na ilabas nang bulto ang kanilang suplay.

Subalit, tiniyak niya na walang pork shortage, partikular na ngayong nalalapit na Pasko.

“‘Yung ina-assure natin sa ating mga kababayan, sobra-sobra ‘yung karne ng baboy ngayon. ‘Wag silang mabahala do’n,” aniya.

“Ayun nga lang, kung may frozen at mababa, depende sa inyo kung tangkilikin niyo ‘yun. Kung bagong katay, sa inyo naman ang preference. Pero, wala tayong kakulangan sa karneng baboy lalong lalo na nalalapit ang Pasko,” dagdag niya.

Sinabi rin ng farmers group na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) nitong Miyerkules na sapat ang suplay ng baboy para sa holidays kahit na tumaas ang presyo nito sa ilang palengke sa Metro Manila.

Pumapalo ang farmgate prices ng live hogs sa halos P155 hanggang P175 kada kilo, ayon sa kanila.

Subalit, ang presyo ng pork products sa ilang palengke sa Metro Manila ay umabot na sa P300 kada kilo, ayon sa ulat noong Miyerkules.

Iginiit ng DA na tinututukan ng pamahalaan ang pagpapalakas ng live hog production sa bansa matapos masapul ang anim na rehiyon ng African swine fever. RNT/SA