Posibleng ‘privatization’ ng EDSA Busway sinisilip ng DOTr

Posibleng ‘privatization’ ng EDSA Busway sinisilip ng DOTr

September 12, 2022 @ 10:48 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista na pag-aralan ang posibleng privatization ng EDSA Busway (EDSA Carousel), ayon kay Undersecretary Mark Steven Pastor nitong Lunes.

Sinabi ni Pastor na matutukoy sa pag-aaral ang advantages ng pagbibigay ng busway system operations sa private sector.

“Nagbigay po ng direktiba ang aming kalihim na si Secretary Jimmy Bautista na agad-agad ay aralin at gumawa ng feasibility study upang ating masukat, matukoy, at malaman kung ano  ba yung mga magiging benepisyo kung ang operations po ng ating busway system ay isasapribado at ibibigay po sa ating private sector participants,” paglalahad niya.

Idinagdag pa ni Pastor na kinakailangang pag-aralan ang privaization ng EDSA Busway dahil maraming kailangang ikonsidera gaya ng bus units at infrastructures, na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng ibang mga ahensya.

Nang tanungin ukol sa posibilidad ng fare increase, sinabi ni Bautista na gagawin itong highly-regulated at isasailalim sa hurisdiksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Ikokonsidera rin umano ang pamasahe sa pag-aaral.

Nag-aalok ang pamahalaan ng libreng sakay sa  EDSA Busway sa ilalim ng “Libreng Sakay” program nito, na nakatakdang matapos sa Disyembre 31, 2022. Sa ilalim ng programa, nagha-hire ang pamahalaan ng mga bus upang magpasakay nang libre sa mga commuter.

Ayon pa kay Pastor, ang epekto ng posibleng privatization sa employment ay tatalakayin din sa pag-aaral.

Inihayag din niya na 500 bus units ang bumibiyahe sa EDSA Busway. Hanggang nitong Agosto, sinabi ng DOTr na halos 335,000 pasahero ang naisasakay araw-araw. RNT/SA