Posisyon ng House Majority Leader, dapat bakantehin din

Posisyon ng House Majority Leader, dapat bakantehin din

July 26, 2018 @ 1:11 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Kung papalitan si House Majority Leader Rodolfo Farinas ay dapat ideklara nang bakante ang posisyon nito.

Ito ang iginiit ni Ako Bicol Partylist Rep Rodel Batocabe, aniya, tanging ang posisyon lamang ng House Speaker ang naideklarang bakante noong mapatalsik si House Speaker Pantaleon Alvarez habang itinalagang Interim Majority Leader si Deputy Speaker Fred Castro kaya hindi malinaw kung majority leader pa rin si Ilocos Rep. Rudy Farinas.

“Dahil interim ang pwesto ni Castro nangangahulugan na si Farinas pa rin ang majority leader pero hindi lamang makapagsakatuparan ng kanyang trabaho. Isa rin dapat yun para to cure whatever lapses o pagkakamali declare the majority leader na vacant at magbotohan” paliwanag ni Batocabe.

Pagdating naman sa kung sino ang dapat na maging Minority Leader sinabi ni Botacabe na naniniwala syang si Minority Leader Danilo Suarez pa rin ang dapat umakto bilang Minority Leader sa ilalim ng Arroyo Speakership.

Paliwanag ng mambabatas sa isang forum na hindi naman naideklaramg bakante ang pwesto ni Suarez kaya hindi na sya dapat palitan dito.

“Ang rules kasi na magtatakda na dapat pumili ang mga hindi bumoto sa nanalong speaker ng kanilang magiging Minority Leader ay aplicable lang sa pagsisimula ng kongreso at nag oorganisa pa lamang ng leadership at hindi ngayong halos matatapos na ang 17th Congress” pahayag nito.

Sa tanong na walang magiging boses ng minorya sa Kamara dahil bumoto din si Suarez pabor kay Arroyo sinabi ni Batocabe na ang independent bloc sa Kamara sa tulong na din ng media ang magtitiyak ng balance of power sa Kamara. (Gail Mendoza)