Posisyon sa Cha-Cha nasa likod ng ‘coup’ sa Senado – Zubiri

Posisyon sa Cha-Cha nasa likod ng ‘coup’ sa Senado – Zubiri

March 10, 2023 @ 12:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Walang ibang dahilan ng tsismis sa pagbabago ng liderato sa Senado, kundi ang kanyang posisyon sa charter change na isinusulong ni Senador Robin Padilla, ayon kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Sa pahayag, sinabi ni Zubiri na may nagsabi sa kanya hinggil sa kumalat na tsismis hinggil sa pagpapalit ng liderato sa Senado dahil hindi binibigyan ng prayoridad ang nakabinbin na panukala sa Senate committee on constitutional amendments and revision of codes ni Padilla.

“May source din ako na nagsabi na dahil sa position ko nga on Charter Change. Ginagamit nila ‘yung mabagal daw na output ng Senado for a unicameral parliament. May mga ganoong usapin,” ayon kay Zubiri sa interview.

Ayon kay Zubiri, tradisyon sa Senado na magkaroon ng sapat na panahon sa pag-aaral ng anumang artikulong nakahain bago maipasa at aprubahan ang panukala.

Ibinasura din ni Zubiri ang alegasyon ng low productivity sa ilalim ng kanyang liderato dahil dalawang mahahalagang batas ang naipasa ang Mataas na Kapulungan na makatutulong sa bansa.

Partikular na tinukoy ni Zubiri ang panukalang limintahan ang sakop ng fixed terms sa Armed Forces of the Philippines; ang panukalang ibasura ang loan amortization ngagrarian reform beneficiaries; at panukalang lilikha sa Academic Recovery and Accessible Learning Program.

“Kung may black propaganda man sa akin, that’s part of the game. Ako naman pag may 13 signatures, I’m willing to step down any time. ‘Yan ay prerogative ng ating peers. We serve at the pleasure of our peers. Ang akin diyan is, we are doing our best and we have been passing a lot of legislation,” aniya.

Pinandigan ni Zubiri na hindi prayoridad ng Senado ang panukalang amendahan ang 1987 Constitution.

“It is not the priority of the President, it is also not our priority. Binabatikos na nga kami na hindi namin natatapos yung aming legislative agenda tapos Charter Change pa ang pag-uusapan? Aabot ng taon-taon iyan. Ang debate napakatindi, napaka-divisive na issue,” ani Zubiri.

“Let us focus on the job at hand. Post-pandemic recovery, a Senate of national reconstruction. We will continue that agenda. We will continue to be focused on that,” giit pa niya.

Hindi naman ibinulgar ni Zubiri kung sino ang nasa likod ng coup plot sa pagsasabing: “I have no clue. Your guess is as good as mine.”

Matinding isinusulong ni Padilla, sa unang salta nito sa Senado na amendahan ang economic provisions ng Saligang Batas na lantarang tinabla ng Palasyo.

Sa kanyang press conference sa Baguio City, pinabulaanan ni Padilla na siya ang nasa likod ng coup plot laban kay Zubiri.

In the 19th Congress, Senator Robin Padilla is actively pushing for amendments to the 1987 Constitution, particularly to its so-called restrictive economic provisions.

“Aba, pangit na balita ‘yan kasi ako’y satisfied naman kay Senator Migz. Katunayan e wala naman akong alam na nagrereklamo, napakagaling na leader ni Senator Migz,” ani Padilla.

“Na-timing pa ngayon. Wala akong kinalaman diyan. Hindi ako ganun trumabaho. Artista pa lang ako, hindi ako marunong bumanat nang pailalim. Hindi ako traydor e. Sasabihin ko kung hindi kita gusto. Sasabihin ko kung di kita gusto. Sasabihin ko nang harapan ‘yon. Hindi po ako ganun at sino ba naman ako para mag-tanggal ng Senate president. My goodness gracious,” giit niya.

Sinabi naman ni Zubiri na bahagi ng kanyang pagiging lider ng Senad ang anumang plano sa pagpapalit nito.

“There always have been talks of ‘coup’ rumors and black propaganda is all around. Ang importante, let us remain focused on the job at hand,” giit niya.

Siyam na senador ang pormal na nagbigay ng buong suporta kay Zubiri kabilang sina Senador Win Gatchalian, Grace Poe at Francis Tolentino.

“Wala namang ganong usapan. Wala akong naririnig as far as im concerned…wala akong naririnig na rumblings,” ayon kay Tolentino saka sinabing nasisiyahan siya sa liderato ni Zubiri. Ernie Reyes