POST OFFICE INALERTO ANG PUBLIKO KONTRA “MR. VISHNG”

POST OFFICE INALERTO ANG PUBLIKO KONTRA “MR. VISHNG”

January 27, 2023 @ 10:20 AM 2 months ago


LUBHANG nalulungkot ang inyong Agarang Serbisyo Lady sa tuwing may ibinabahagi tayong balita o impormasyon hinggil sa panloloko gamit ang information and communications technology. 

Masyado na ba talagang mahirap ang buhay o sadyang dumarami lamang ang mga masasamang tao sa ating lipunan.

Naglabas na ng opisyal na paalaala ang Philippine Postal Office na huwag maging biktima ng mga manloloko na tumatawag sa kanila gamit ang pekeng Customer Service Hotline nito, ang (02) 8288-7678.

Base sa mga sumbong na natanggap ng Post Office, may tatlong indibidwal ang nagtungo sa Cebu Post Office matapos makatanggap ng tawag na mula sa nagpakilalang empleyado ng postal corporation.

May nakita umano silang package na mula sa ibang bansa na nakapangalan sa mga tinatawagan pero napag-alaman na mayroon itong illegal substance.

Magsasabi ang tinawag na “Mr. Vishing” o mula sa terminong voice phishing na maaari namang mapag-usapan at huwag nang palakihin pa ang problema basta may kapalit na malaking halaga.

Tatakutin ng tumatawag ang kausap niya na makikipag-ugnayan na ang Post Office sa Philippine National Police, sa National Bureau of Investigation o kaya ay sa mismong Philippine Drug Enforcement Agency, at nahaharap sa malaking asunto ang kausap.

Sa pag-uusap ay hihingiin ni Mr. Vishing ang mga personal na impormasyon ng kausap. Kaya pakiusap ng Post Office o mga awtoridad, kapag nakatanggap ng ganitong tawag ay huwag itong patulan, kunin ang numerong ginamit o kaya ay magsadya sa pinakamalapit na presinto para kayo ay matulungan at magabayan, o kaya magpadala ng email sa Presidential Complaint Center, [email protected] o tumawag sa +63 (2) 8736-8645 at sa (02) 87368603.

Paliwanag ng pamunuan ng Post Office ang customer service hotline ay incoming calls lamang ang nagagawa at hindi nito kailanman tatawagan ang mga kliyente nito.

Nakipag-ugnayan na ang Post Office sa Department of Information and Communications Technology gayundin sa telephone service provider nito para sa pagsasagawa ng imbestigasyon.