POWER AT OIL CRISIS SOLUSYUNAN NA

POWER AT OIL CRISIS SOLUSYUNAN NA

July 20, 2022 @ 6:57 PM 4 weeks ago


INAASAHAN ng ilang mambabatas ang konkretong programa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kaugnay sa malawakang krisis sa kuryente at walang puknat na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na lalong nagpapahirap sa sambayanan.

Kabilang ang bagong upong senador na si Robin Padilla sa nakaabang sa mga solusyon ng Pangulo sa pangunahing mga suliraning na sadyang pasanin ng taumbayan sa gitna ng unti-unting pagbangon ng ekonomiya na pinabagsak ng pandemya nitong nakalipas na mahigit dalawang taon.

Sa usapin ng oil crisis, batid ng sambayanan na hindi kontrolado ng anomang itinuturing na bumabangon na bansa katulad ng ‘Pinas ang madalas na pagsipa ng presyo ng langis bunsod sa ang major players nito ang dumidikta sa pag-angat at pagbaba ng produktong petrolyo sa merkado.

Subalit malaking responsibilidad pa rin ang nakaatang sa gobyerno hinggil sa nasabing usapin dahil ito rin ang itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ng pangunahing pangangailangan ng taumbayan.

Kagaya ng serbisyo sa kuryenteng tumaas na din ang ibinabayad ng mamamayan mula nang kaliwa’t kanan ang pagtaaa ng presyo ng produktong petrolyong ang giyera sa gitna ng Russia at Ukraine ang pinaniniwalaang may sala.

Paano nga naman hindi itataas ng mga power supplier ang bill sa kuryente kung lagpas tao na rin ang presyo ng krudong ginagamit naman ng power producers sa operasyon ng mga dambuhalang makina nila.

Ibig sabihin, kambal-tuko na yata ang dalawang problemang ito na mistulang hilong-tallilong na ang pamahalaan kung paano tugunan ang power at oil crisis na hindi naman tangan nito ang mabilisang solusyon.

Bagaman ang pagpapalakas ng renewable energy sources ang pinakamabisang solusyong nakikita ni Pangulong Bongbong subalit ilang taon pa ang gugugulin ng gobyerno upang makumbinsi ang mga asensadong bansang magtayo ng malawakang solar farm at hydro electric power farm dito para tuluyan nang matuldukan ang pagiging dependent natin sa produktong petrolyo.

Ibig sabihin, umaasa pa rin ang sambayanan ng agarang solusyon kay PBBM kung paano maibsan ang nararanasang hirap ngayon ng taumbayan kaugnay sa mga nabanggit na suliranin.

Mainam na hikayatin pa rin ng kasalukuyang administrasyon ang mga supplier ng kuryente na hinay-hinay lang sa pagtaas ng singil sa consumers upang pansamantalang mabawasan ang gastusin ng mamamayan.