POWER, nagcamp out sa DOLE

POWER, nagcamp out sa DOLE

July 30, 2018 @ 3:43 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Sinimulan na kahapon ng mga miyembro ng PLDT Organization of Workers and Employees For Rights (POWER) ang kanilang tatlong araw na camp-out sa harapan ng punong tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Manila.

Ang pagka-camp out ay isinagawa ng grupo kasabay nang pagtatapos na ng ibinigay na taning ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa PLDT para i-regular sa trabaho ang kanilang mga manggagawa.

Nabatid na bago nag-camp-out sa DOLE ay nagtungo muna ang mga manggagawa sa tanggapan ng Court of Appeals (CA) sa Orosa Street, Ermita, Manila, dakong 10:00 ng umaga kahapon para igiit na ibasura ng appellate court ang apela at petition for certiorari na isinampa ng PLDT management na tumututol sa compliance order ng DOLE.

Ayon sa POWER, dapat na suportahan ng CA ang kautusan ng DOLE para sa regularisasyon ng libu-libong contractual workers ng PLDT.

Hiniling rin ng power na huwag bigyan ng CA ng Temporary Restraining Order (TRO) ang PLDT kaugnay sa nabanggit na usapin dahil magpapahaba lamang anila ito sa pagdurusa ng kanilang mga pamilya at posibleng maglagay pa sa alanganin sa estado ng kanilang regularisasyon.

Nagsagawa ng kilos protesta sa harapan ng Court of Appeals sa Orosa St. Manila, ang mga grupong PLDT Organization of Workers and Employees For Rights (POWER) upang ipanawagan na ibalik na ang mga tinanggal na empleyado at gawing regular. Tinutulan din nila ang petisyon na TRO ng kumpanyang PLDT. Matapos nito ay tumulak ang grupo sa harapan ng tanggapan ng DOLE para sa kanilang 3-day camp out. | REMATE FILE PHOTO | Rene Sandajan

“Favoring the petition and issuing a TRO in favor of the PLDT management would prolong the sufferings of our families and would put our regularization status in danger. We are hopeful that the CA will heed our demands and will not allow itself to be used by PLDT on its greedy and anti-workers objective,” ayon kay Dan Joshua Nazario, pangulo ng POWER.

Pagkatapos magtungo sa CA ay tumuloy na sa harapan ng DOLE ang mga manggagawa para sa kanilang tatlong araw na camp out.

Matatandaang nakatakda nang magtapos ngayong araw ang ibinigay na deadline ni Bello sa PLDT para iregular ang kanilang mga manggagawa, ngunit kinuwestiyon ito ng telephone company sa CA.  (Macs Borja)