PPA aminado sa posibleng hoarding ng containers sa port terminal

PPA aminado sa posibleng hoarding ng containers sa port terminal

December 16, 2022 @ 7:34 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inamin ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) na tila may nagaganap na ‘hoarding’ sa mga containers na nakatengga ngayon sa port terminal na ginawa nang bodega sa kabila na aprubado na ito for realese ng Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay PPA general manager Atty.Jay Santiago, bagama’t pinapayagan nila na manatili ang mga container sa terminal dahil mayrroon aniyang 3-day free storage na napapamahalaan naman pero marami aniyang mga importer na ginagawa nang warehouse ang terminal dahil mas mura ang kanilang charge.

Ibinunyag ni Santiago na karamihan sa mga container ay nakatengga na ng 700 araw sa kanilang terminal dahil ang kanila lamang binabayaran sa PPA ay mas mura kaysa sa mga warehouse sa labas.

“Isa yan sa nagko-contribute ika nga sa agricultural products—nakatengga diyan, ilalabas lamang kung kailan mahal ang produkto – mas mura dito sa terminal kaysa sa warehouse, in the meantime nagsa-suffer ngayon yung utilization natin”, sabi pa ni Santiago.

Sa bahagi ng PPA, nilinaw din ni Santiago ang usapin sa “congestion” kung saan ang kanilang yard utilization, mataas aniya tuwing Pasko na umaabot sa 84 percent pero inaasahan na nila ito dahil sa selebrasyon.

“Ang yard utilization natin, medyo mataas pero it is manageable.”

Sinabi rin ni Santiago na hindi mahalaga na ang yard utilization ay mataas, ang mahalaga aniya ay ang gate out o ang paglabas ng kargamento na episyente.

Kahit pa abutin ito ng 92 percent ay walang problema basta’t hindi maiipit ang kargamento at hindi tumatagal sa terminal.

Isa rin aniya sa dahilan ng congestion ay dahil sa posibleng naghihintay ang mga barko ng clearance sa Bureau of Customs, Department of Agriculture o kaya sa Bureau of Quarantine.

Maaari din ang mga ahensya na in-charge na nagpapahintulot na makapasok ang mga kargamento sa PPA ports/terminal.

Ang kanila lamang trabaho ay mag-unload ng kargamento at siguruhin na mailalabas ito ng terminal, ngunit kung natengga pa sa loob ay kasalanan na ito ng importer. Jocelyn Tabangcura-Domenden