PPA: Walang port closure ngayong peak season

PPA: Walang port closure ngayong peak season

December 15, 2022 @ 3:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nilinaw ng Philippine Ports Authority na walang holiday closure ang 2Go travel ngayong holiday season taliwas sa naunang post sa kanilang website na walang mga biyahe ang kanilang mga barko.

Sa inilabas na pahayag ng PPA – giniit nito na walang “PORT CLOSURE” sa mga pantalan ng Maynila at Batangas ngayong Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay General Manager Jay Santiago, walang naiulat na pagsasara ng anumang pantalan ng PPA sa buong bansa at tuloy ang 24/7 nilang operasyon.

Makaaasa rin aniya ang publiko sa serbisyo ng PPA ngayong peak season na tuloy-tuloy ang operasyon sa pantalan.

Sa ngayon, naka-deploy na rin ang PPA port police sa mga pantalan at nakahanda na rin ang mga empleyadong naka-duty sa PPA Malasakit Help Desk para maasikaso ang mga uuwi ngayong kapaskuhan.

Matatandaang nitong nakaraang linggo, naglabas ng memorandum si GM Santiago ukol sa “No Leave Policy” para sa 24/7 na operasyon ng PPA ngayong pasko at bagong taon.

Kaugnay nito, pinayuhan ang mga pasahero na dumating sa pantalan ng mas maaga o apat na oras bago ang kanilang departure upang maging kumbinyente habang hinihintay ang kanilang boarding announcement. Jocelyn Tabangcura-Domenden