P’que ika-5 pinakamayamang lungsod sa Pinas – DOF

P’que ika-5 pinakamayamang lungsod sa Pinas – DOF

December 8, 2021 @ 9:50 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Inilagay ng Department of Finance (DOF) sa panglimang pwesto sa pinakamayamang lungsod sa bansa ang lungsod ng Parañaque makaraang kumita ang lungsod ng P6.3 bilyon sa local revenue generation nitong 2020.

Base sa nakalap na report galing sa Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng DOF, napag-alaman na ang Paranaque City ay isa sa sampung nangungunang probinsya, lungosd at munisipalidad sa local revenue generation para sa taong 2020.

Sinabi ni BLGF executive director Nino Raymond Alvina na nalagpasan ng Parañaque City Treasurer’s Office na pinamumunuan ni Dr. Anthony Pulmano ang P 4.8 bilyong koleksyon ng locally sourced revenue (LSR) noong 2019 ng mahigit P1.5 bilyon kahit pa nahaharap sa pandemya ng COVID-19 ang lungsod.

Umabot sa P6.3 bilyon ang LSR ng lungsod kabilang ang kabuuan ng real property taxes, local business tax gayundin sa fees at charges pati na rin sa mga receipts ng economic enterprises.

Pinuri naman ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez si Pulmano dahil nalampasan ng lungsod ang target collection sa taong 2020 pati na rin ng pamamaraan sa koleksyon ng buwis sa nagdaang pitong taon.

Sinabi ni Olivarez na nakamit ng lungsod ang mataas na revenue collection dahil sa inobasyon sa tax collection schemes partikular sa Online Payment Facility na gamit ang automated teller machine (ATM) credit at debit cards sa pamamagitan ng pasilidad ng UnionBank.

Dagdag pa ni Olivarez na ang patuloy na pagpasok ng mga lokal at foreign investors at sa pag-ooperate ng iba’t-ibang business establishments sa lungsod bago pa man manalasa ang pandemya ang nakatulong sa malaking koleksyon ng buwis.

Para naman kay Pulmano, sinabi ng tresurero na ang pagkupkop sa serbisyo sa online ng land tax at miscellaneous payments na bahagi na ng “new normal” ang nakatulong ng malaki sa local tax collection ng lungsod.  James I. Catapusan