P’que LGU humakot ng parangal mula sa National Nutrition Council sa NCR

P’que LGU humakot ng parangal mula sa National Nutrition Council sa NCR

November 5, 2022 @ 9:26 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakamit ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang karamihan sa parangal sa ginanap na 2022 Regional Nutrition Awarding Ceremony ng National Nutrition Council-National Capital Region (NNC-NCR).

Sa unang pagkakataon ay nasungkit ng Parañaque ang pinakamimithing Green Banner Seal of Compliance Award na kasama ang lungsod ng Muntinlupa sa kanilang ikalawang pagkakataon.

Ang Parañaque at Muntinlupa ang dalawang natatanging awardees para sa taong 2021 sa seremonyang nanap nitong nakaraang Oktubre 28 sa Century Park Hotel-Manila.

“We are very happy for our City Nutrition Committee, as well as for all our city and barangay nutrition workers and scholars, for this milestone,” ani Parañaque City First District Rep. Edwin Olivarez na siyang alkalde nang makamit ang naturang parangal.

Tinanggap ni Rep. Olivarez at ng kanyang kabiyak na si Janet ang parangal para sa lungsod.

Si Janet ang City Nutrition Action Officer noong nagsagawa ng assessment ang National Nutrition Council nang nakaraang taon upang malaman ang mga magiging awardees.

Sinabi ni Olivarez na bukod sa 2021 Green Banner Seal of Compliance Award ay nagwagi rin ng limang special awards ang Parañaque sa 16 na lungsod at nag-iisang munisipalidad sa Metro Manila kabilang ang Best LGU in Nutrition Governance; Best LGU in the Implementation of National Dietary Supplementation Program; Best LGU in the Performance of Nutrition Management Functions; Best LGU in the Implementation of Philippine Integrated Management of Acute Malnutrition Program; at ang Best LGU in the Implementation of Nutrition Promotion Program for Behavior Change.

Ayon naman kay Dr. Ma. Cristina Peñaflorida na siyang namumuno sa City Nutrition Office ng mga panahong iyon, ang mga parangal ay ibinase sa monitoring at pagsusuri ng NNC sa implementasyon ng pagpaplano ng mga local government units (LGUs) sa NCR.

Dagdag pa ni Peñaflorida na ang lungsod ay nagkaroon din ng tatlong finalists sa Nutrition Workers Award sa taong iyon. James I. Catapusan