P’que LGU magtatayo ng sariling coliseum

P’que LGU magtatayo ng sariling coliseum

September 7, 2022 @ 12:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na itinakda na ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng bago at modernong sporting at events arena na kanilang tatawaging Paranaque City Coliseum.

Sinabi ni Olivarez na kanyang inihayag ang planong pagtatayo ng sariling coliseum makaraan ang kanyang ilang sunod na pagpupulong sa mga opisyales ng city sports at consultants kung saan ang makabagong arena ay itatayo sa tabi ng Parañaque City College sa panulukan ng Cavitex at Victor Medina Street na malapit sa Baclaran na tinaguriang business district ng lungsod.

“This sports center is a project of then city mayor Edwin Olivarez but was halted after the national government declared lockdowns amid the Covid-19 pandemic in 2020,” (Ang sports center ay proyekto ni dating Mayor Edwin Olivarez ngunit nahinto ito dahils sa pagdedeklara ng gobyerno ng mga lockdowns sa gitna ng idinulot na pandemya ng COVID-19 noong 2020) ani Olivarez.

Ayon kay Olivarez, siniguro naman din ni City Treasurer Dr. Anthony Pulmano na may sapat na pondo naman ang lokal na pamahalaan sa susunod na taon para sa konstruksyon ng proyektong multi-million infrastructure na ito.

Base sa nakapilalim na engineering plan, sinabi ni Olivarez na ang itatayong coliseum ay magkakaroon ng 5,000-seating capacity at gagamitan ito ng pinakamodernong teknolohiya at sports equipment na mabibili sa merkado sa kasalukuyan.

Dagdag pa ni Olivarez na ang sports center ang magiging opisyal na home court ng mga lalaki at babaeng lokal na koponan sa basketball at volleyball, at iba pang indoor sports tulad ng badminton pati na rin ng lawn at table tennis.

Sinabi pa ni Olivarez, na isa ring dating international lawn tennis player, na marami sa mga indoor games ang makatutulong na mas mapabuti pa ang awareness at consciousness ng isang atleta.

Dagdag pa ni Olivarez na ang bagong itatayong coliseum ay maaari ring gamitin para sa seremonya ng graduation, barangay events, beauty pageants, at ng iba pang maisasagawang programa at aktibidad ng lungsod. James I. Catapusan