P’que LGU naglabas ng traffic rerouting advisory para sa miting de avance ng Uniteam

P’que LGU naglabas ng traffic rerouting advisory para sa miting de avance ng Uniteam

May 7, 2022 @ 2:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naglabas ng abiso ang Parañaque Emergency Local Operations (ELO) Center para sa traffic rerouting ng mga motorista upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng miting de avance ni presidential candidate at former Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte na gaganapin sa isang bakanteng lote malapit sa Solaire Resort and Casino ngayong Sabado.

Ayon sa ELO, ang miting de avance ng BongBong-Sara tandem ng Uniteam na gaganapin sa harap ng Solaire Resorts and Casino ay matatagpuan sa Diokno Boulevard panulukan ng Asean Avenue sa Barangay Tambo, Parañaque City.

Sinimulang isara sa mga motorista ang mga kalsada ng alas-9 ng umaga nitong Biyernes kabilang ang kahabaan ng Diokno Boulevard, Coral Way Avenue hanggang Aseana Avenue at mananatiling sarado nghanggang alas-11:59 ng gabi ngayong Sabado.

Sinabi pa ng ELO na asahan ng mga motorista ang matinding trapik na mararanasan sa mga lugar ng Macapagal Avenue, Roxas Boulevard, Diokno Boulevard, NAIA Road, Aseana Avenue, at Bradco Avenue sa Parañaque.

Pinayuhan na rin ng ELO ang mga motorista na dumaan na lamang sa mga alternate routes upang maiwasan ang pagdarausan ng miting de avance ni BBM at mga kalsada na maapektuhan din sa naturang lugar. James I. Catapusan