PRANGKISA O SPECIAL PERMIT?

PRANGKISA O SPECIAL PERMIT?

February 3, 2023 @ 1:55 PM 2 months ago


MAY kapangyarihan baa ng local government unit na mag-extend ng prangkisa o special permit ng public transport?

Wala. Ayon sa Executive Order 202, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang may kapangyarigan gawin ito dahil ito ay delegated power ng Kongreso sa nasabing ahensya.

Pero paano kung ang hindi nagawa ng LTFRB ang pagbibigay ng prangkisa o pag-eextend ng special permit? May magagawa ba ang LGU para sa kapakanan ng mga pasahero? Ito ang problema na pinarating ng LGUs, mga pasahero at transport operators sa gobernadora ng Cebu.

Noong panahon ng pandemya ay binuksan ang ilang ruta sa lalawigan ng Cebu.

At para kaagad may pumasada, binigyan ng special permits ng LTFRB ang ilang transport operators para pumasada sa iba’t ibang ruta. Kamakailan ay nag-expire ang special permits, kaya ang dapat mangyari ay babalik sa kani-kanilang mga dating ruta ang mga pumapasadang sasakyan at iiwanan nila ang ruta kung saan natapos ang special permits na binigay sa kanila.

Ang resulta daan-daang mga pasahero ang maaapektuhan at walang masasakyan. Bakit umabot sa ganito ang problema? Bakit hindi na-extend ang mga special permit?

Para lutasin ang problema ay naglabas ng Executive Order no. 5 series of 2023 ang Gobernadora ng Cebu – Allowing PUVs with Special Permits to continue plying their routes for the comfort and convenience of the Cebuanos in the Province of Cebu up to March 17, 2023.

Marami ang nagtanong. Hindi ba mali ang LGU ng Cebu rito dahil tanging LTFRB lang ang dapat gumawa nito? Tama ba ang ginawa ng gobernadora?
Heto po ang tingin ng Lawyers for Commuter Safety and Protection – Una ay hindi nag-issue ng prangkisa o nagpalawig ng special permit ang LGU ng Cebu. Ang sabi lamang ng Executive Order ay PAHIHINTULUTAN nila ang mga unit na may special permit na ITULOY ang kanilang pamamasada para sa comfort at convenience ng mga pasaherong Cebuano. Bakit kailangan ito? Upang hindi ma-out-of-line colorum ang units. Kung walang pahintulot ay maari silang hulihin na out-of-line colorum.

Pero bakit hindi na lang i-extend ng LTFRB Regional Director ang special permits? ‘Yan ang dapat itanong sa RD ng LTFRB at bakit kelangang umabot pa sa ganitong problema?

Pero hindi ba’t sabi natin na tanging LTFRB lang ang pwede mag-issue ng franchise at mag-extend ng permit?

Mukhang alam ito ng LGU kaya sa Executive Order ay iniwasan nilang bangitin ito.
Sabi lamang nila na ALLOWING PUVS WITH SPECIAL PERMIT TO CONTINUE THEIR ROUTES UNTIL MARCH 17, 2023.

Hindi nag issue ng franchise ang LGU at hindi nila in-extend ang special permit. Ibig sabihin lang ay basta may special permit (expired man o hindi) payag ang LGU na mamasada sila sa mga ruta na inilahad sa Executive Order.

oOo oOo oOo

Atty. Ariel Inton
President, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)
09178174748