Prayoridad ni Duterte bilang DepEd Secretary, inilatag

Prayoridad ni Duterte bilang DepEd Secretary, inilatag

January 23, 2023 @ 10:42 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa ilalim ng kanyang termino bilang Department of Education (DepEd) Secretary, sinabi ni Vice President Sara Duterte na mas tututukan ang mga guro, mag-aaral maging imprastraktura upang tugunan ang mga hamon sa basic education system ng bansa.

“Tututukan natin ang mga teachers, learners, at ang ating school infrastructures,” sabi ni Duterte sa awarding ceremonies ng Aklan’s Ten Outstanding Mentors (ATOM) Awarding Ceremonies sa Augusto B. Legaspi Memorial Sports and Cultural Complex nitong Jan. 21.

Inihayag ni Duterte na gagawing prayoridad ang mga benepisyo para sa guro, paglago ng mga mag-aaral, at rehabilitasyon at rekonstruksyon ng school infrastructure sa kanyang panunungkulan bilang Education Secretary.

Sinabi pa ni Duterte na ang DepEd at ang Government Service Insurance System (GSIS) ay mayroon nang “ongoing commitment” para sa monthly update sa deliverables para sa implementasyon ng mga benepisyo para sa teaching at non-teaching staff.

Dagdag niya, ang DepEd ay nakikipag-ugnayan din sa Department of Health (DOH) para tiyakin na ang mga empleyado ng ahensya “enjoy free health check ups.”

Ibinahagi ni Duterte na ang DOH ay “very welcoming and truly receptive” ukol sa pagtanggal ng bayad ng teachers’ check-ups mula sa kanilang P5,000 allowance.

“Pinapakiusapan po namin at patuloy ang pakikipag dialogo namin sa Department of Health na gawing libre ang check up ng teachers,” paglalahad ni Duterte.

Gayundin, sinabi ni Duterte na nakikipagtulungan ito sa Office of the President para magbigay ng “additional benefits to the teaching and non-teaching staff” ng ahensya.

Para sa mga mag-aaral, sinabi ni Duterte na binubusisi ng DepEd ang K to 10 at Grades 11 to 12 curriculum “to ensure that graduates are immediately employable by sectors and industries, which was the sole purpose for the K to 12 program.”

Paliwanag niya, target nito na tugunan ang employment challenges na kinakaharap ng basic education graduates. “Lagi po nating sinasabi na ang mandatory lang po ay ang basic education,” ani Duterte.

‘Yung mga learners na nasa atin sa Department of Education, dapat pag-graduate nila, kapag hindi na sila tumuloy sa higher education, ay pwede na silang magtrabaho,” patuloy niya. RNT/SA