PRC aagapay sa search and rescue sa Baybay City landslide

PRC aagapay sa search and rescue sa Baybay City landslide

April 12, 2022 @ 11:57 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nagpadala na ng search and rescue team ang Philippine Red Cross (PRC) sa Barangay Ga-as, Baybay City upang tumulong sa mga biktima ng mga landslide sa Leyte matapos manalasa ang bagyong Agaton.

“Sa ganitong panahon, kahit na hindi super typhoon ang Agaton ay hindi tayo nagpapabaya. Palaging nakahanda ang Red Cross para rumesponde sa ating mga kababayan sa oras ng sakuna,” sabi ni  PRC Chairman at CEO, Senator Richard “Dick” Gordon.

Dalawang assessment team mula sa PRC chapter sa Leyte, kasama ang search and rescue team, ang ambulance team, at ang welfare services team ay tumulak patungong Baybay City at Abuyog.

Nag-deploy din ang chapter ng mga floating asset, tulad ng rescue boat, para sa water search and rescue operation sa munisipalidad ng Abuyog.

Sa koordinasyon ng Baybay Disaster Risk Reduction and Management Office, ang PRC team ay nagpadala ng food trucks upang maghanda at mamahagi ng mga maiinit na pagkain sa isang evacuation center.

Namahagi din ng mainit na pagkain ang mga boluntaryo at kawani ng PRC sa 88 indibidwal sa Barangay Curva at sa 53 indibidwal sa Barangay Danhug evacuation centers sa Ormoc City.

Namahagi rin sila ng maiinit na pagkain sa Barangay Lamak, Hilongos at sa mga stranded na pasahero at evacuees sa mga bayan ng Liloan, San Ricardo, at Pintuyan sa Southern Leyte.

Inatasan ang PRC Ormoc City Chapter na maging handa para tulungan ang Leyte Chapter sa mga operasyon sa Baybay. Nagpadala ang PRC Eastern Samar Chapter ng assessment team sa mga bayan ng Jipapad at Guiuan.

Bagama’t ibinaba ang TS Agaton sa tropical depression, patuloy itong nagdadala ng malakas na pag-ulan sa Visayas, Mindanao, at Luzon habang dahan-dahan itong kumikilos sa silangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden