PRC magsisilbing collection site ng mga donasyon para sa Syria

PRC magsisilbing collection site ng mga donasyon para sa Syria

February 25, 2023 @ 9:14 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ginamit ng Syrian Arab Republic ang Philippine Red Cross bilang official collection site para sa mga donasyon sa muling pagtama ng lindol sa Northern Syria.

Matapos ang 15 araw na pagyanig sa Turkiye at Syria na kumitil sa buhay ng mahigit 46,000 ay isa pang malakas na paglindol ang naranasan sa naturang bansa kasama ang Northern Syria noong Feb. 20.

Ito ang nag-udyok sa Embahada ng Syrian Arab Republic sa Pilipinas na tumawag ng mga donasyon at opisyal na nagpatulong sa Philippine Red Cross (PRC) upang magsilbing collection site upang matulungan ang mga nakaligtas sa lindol sa kanilang bansa.

Umapela ang Syrian authorities para sa in-kind na mga donasyon ng lahat ng uri ng mga gamot, winter blankets, panlamig na damit at mga tolda.

“As the devastation continues with yet another big earthquake, we send our thoughts and support to those affected. PRC is in communication with the Honorable Consulate General of the Syrian Arab Republic and we will be opening our doors to be collection sites for donations to help our Syrian brothers and sisters who are in dire need of help,” sabi ni PRC Chairman Gordon.

Una nang hiniling sa PRC ng Embahada ng Turkiye na maging official donation collection point para sa gustong tumulong sa quake-hit country.

Nagpadala rin ang PRC ng tig $100,000 sa Turkiye at Syria sa pamamagitan ng kani-kanilang National Red Cross and Red Crescent Societies. Jocelyn Tabangcura-Domenden