PRC, PCSO joint force sa bloodletting activity

PRC, PCSO joint force sa bloodletting activity

January 22, 2023 @ 2:31 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakipagsanib-puwersa ang Philippine Red Cross (PRC) sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para magsagawa ng bloodletting activity at tumulong na mapunan ang mga reserba ng dugo sa bansa.

May kabuuang 83 blood units ang nabuo mula sa bloodletting activity na nangyari sa PCSO Head Office, Shaw Blvd, Mandaluyong City mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon nitong Biyernes, Enero 20.

“Ang dugo ay hindi pwedeng i-manufacture ng tao. Tanging mga donasyon ng dugo ang maaari lamang pagkuhanan ng dugo ng mga nangangailangan nito. Kung kaya’t nagpapasalamat ako sa mga donors at partners natin kagaya ng PCSO sa ilang taon nilang pakikipagtulungan sa Philippine Red Cross sa pagsasagawa ng ganitong blood donation activity. Ang dugo na makukuha natin mula sa activity na ito ay para sa lahat ng Pilipino,” sabi ni PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon.

Samantala, hinikayat ni PRC Secretary General Gwendolyn Pang, ang publiko na mag-donate ng dugo at inulit ang kahalagahan ng blood donations.

“Ang samahan po ng Philippine Red Cross at PCSO ay napakalakas, napakatibay at napakatagal na po. Ngayon nga po ay mayroon tayong bloodletting activity kasama ang PCSO kung saan hinihikayat natin ang publiko na mag-donate ng dugo dahil araw-araw ang pangangailangan sa dugo ng mga tao. Ang isang bag ng dugo po na ibibigay ninyo ay maglalaman ng iba’t ibang blood components [i.e., red cells, platelets, plasma] na maaaring magsalba sa buhay ng tatlo o higit pang tao depende sa kung anong blood component ang kailangan ng kanilang kondisyon,” sabi ng secretary general.

Mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2022, nakakolekta ang PRC National Blood Services ng 448, 928 units ng dugo mula sa 400, 955 na donor.

Noong Enero 18, 2023, ang PRC ay nagbigay ng 13, 938 na yunit ng dugo.

Para sa mga donasyon ng dugo, mga kahilingan sa dugo, at iba pang mga katanungan, sinabi ng PRC na mag-email lamang sa PRC National Blood Services sa [email protected] o makipag-ugnayan sa PRC Blood Call Center, na maaaring maabot sa buong bansa sa pamamagitan ng pag-dial sa 143. Jocelyn Tabangcura-Domenden