PRC: Unang blood collecting unit sa Sorsogon, operational na

PRC: Unang blood collecting unit sa Sorsogon, operational na

July 30, 2022 @ 3:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Upang patuloy na isulong ang boluntaryong donasyon na walang bayad at mapanatili ang sapat na dugo sa bansa, sinimulan ng Philippine Red Cross (PRC) ang operasyon ng kanilang unang blood collecting unit sa Barangay Cabid-an, Sorsogon City.

Ang bagong PRC blood collecting unit na suportado ng pamahalaang lokal ng Sorsogon at Bloomberry Cultural Foundation Inc., ay inisyatiba ni Chairman at CEO Richard Gordon upang palawakin ang mas maraming pasilidad ng blood bank para sa mga pasyente sa Sorsogon at mga kalapit na probinsya upang magkaroon ng madaling access sa sapat, ligtas, at de-kalidad na suplay ng dugo sa mga pinaka-mahina.

Noong Hulyo 22, ang PRC ay mayroong 102 blood service facility, 31 blood center, at 71 blood collection units/blood stations na matatagpuan sa mga strategic na lugar sa buong bansa.

“Ang bagong blood collecting unit sa Sorsogon ay isa lamang sa maraming proyekto ng Philippine Red Cross upang mapanatiling sapat ang suplay ng dugo sa ating bansa,” ani Gordon.

Hinikayat din niya ang mga malulusog na indibidwal na magdonate ng dugo sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng dengue sa ilang bahagi ng bansa dahil makatutulong ito sa pagsalba ng buhay ng mga dengue patients pati na rin ang pagtataguyod ng kalusugan ng donor.

Ang bagong blood collecting unit ay bukas para sa walk-in blood donors at blood request mula Lunes hanggang Biyernes ng alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon .

Para sa anumang katanungan, mag-email lamang sa PRC Sorsogon Chapter sa [email protected] o tumawag sa PRC Blood Call Center na maaabot nationwide sa numerong 143. Jocelyn Tabangcura-Domenden